By ROBERT R. REQUINTINA
Inaasahang mag-o-over-da-bakod ang ilang showbiz personalities sa bakuran ng queen of independent movies na si Baby F. Go matapos nitong itayo ang kanyang panibagong film productions: Global Films Worldwide International, Inc.
Sa isang exclusive interview, sinabi ni Go na unti-unti siyang kukuha ng mga exclusive stars para sa kanyang itina-yong film company at lalaban siya ng patas sa mga malalaking movie company sa ating bansa.
Inamin ni Go na nahihirapan siya minsan kunin ang serbisyo ng ilang artista dahil nakatali sila sa kanilang network.
Kaya naman minabuti ni Go na mag-buildup na lamang siya ng kanyang mga sariling grupo ng exclusive stars.
Dagdag pa ni Go na ang kanyang bagong production company ay naka-tuon lamang sa mga commercial movies.
“This is for mainstream only. Nakilala ako because of indie and main-die (mainstream-independent) films. Pero ngayon naman ay naka-focus tayo sa mainstream or commercial movies,” ayon kay Go.
Nauna nang inilunsad ni Go ang BG Productions International, Inc. kung saan nakagawa ito ng award-winning movies sa iba’t ibang international film festival. Naghatid din ito ng parangal sa mga kilalang artista natin sa bansa.
Sinabi ni Go na pormal niyang ilulunsad ang bagong production company sakaling lumabas na ang mga dokumento mula sa Securities and Exchange Commission kung saan ito ay naka-register.
Dito rin niya sasabihin ang buong detalye ng mga group or companies na magiging part ng kanyang bagong film company.
Hindi sinabi ni Go kung ano ang unang proyekto para sa kanyang bagong production pero sinabi niya na may mga imbitasyon na para kina Vilma Santos at Charo Santos-Concio para lumabas sa kanyang mga pelikula.
Pero iginiit ni Go na hinding-hindi niya iiwan ang BG Productions International, Inc.
“Time management lang ‘yan. At iba ang mga tao na nasa likod ng bago kong production. Iba’t ibang tao ang nasa likod ng mga kumpanya ko,” ayon kay Go.
Matapos ang unang commercial movie ng BG Productions International na “Almost A Love Story,” balik-indie ang film company at ipapalabas naman sa mga darating na buwan ang “Latay” starring Allen Dizon, Lovie Poe at Mariel de Leon.