By Laila Chikadora
Pinabulaanan ni Chito Miranda ang bulung-bulungan na magre-retiro na raw siya sa pagbabanda sabay ng diumano’y nalalapit na pagkabuwag ng kanyang grupo na Parokya ni Edgar.
Iginiit ni Miranda na ganado pa rin siyang magtrabaho at walang balak na magretiro mula sa buhay banda.
Pero bakit may bulung-bulungan na ang asawa niya mismong si Neri Miranda ang nagpupursigeng magpahinga na siya at kulang daw ang binibigay niyang panahon sa kanyang mag-ina.
Ani Miranda walang katotohanan ito at pawang tsismis lang. Maayos daw niyang nagagampa-nan ang role bilang tatay at asawa kahit busy siya sa mga gigs.
It’s all about time management lang naman daw, saba’y kuwento kung paano nila pinagusapan ng mga kabanda ang schedule nila.
“We had a meeting and diniscuss namin na let’s limit it, at least ‘wag araw-araw. So ngayon, at least may ten days off kami per month,” sabi niya.
Siyempre masaya rito si misis.
“Gusto ko talaga ’yun kasi kapag magkasama kami talagang du’n lang kami sa bahay naglalaro lang kami o walk sa park,” kuwento ng dating aktres at model.
Present ang mga Miranda sa launch ng Plumcare DNA advisor.
Bet na bet ng mag-asawa ang makabagong technology na ito dahil makakatulong daw ito na malaman ang mga maaari mong ma-develop na karamdaman o sakit sa pamamagitan lang ng iyong laway.
Sabi ng singer-composer, “What it does is it screens your spit tapos makikita nila if may conditions or mutations, mate-trace. Non-invasive siya kaya kahit sa baby namin okay lang. You just spit in a bottle and after 8-10 weeks they give you the result.”
Dahil dito nalaman ni Miranda na maaring magka-epilepsy ang kanyang magiging apo sa anak na si Miggy.
“May mutation na nakita kay Miggy, na ’yung anak niya daw, may 25 percent na chance na maka-develop ng epilepsy.”
Dagdag ni Miranda, “Nakakatawa na pinoproblema ko ’to agad for my kid when, one year old pa lang naman si Miggy. Pero sabi nga ng doctor, mabuti nang alam namin para maiwasan.”
At hindi rin naman magpapa-awat ang mag-asawa na mag assemble ng baby number two para may kalaro na si Miggy.
Kuwento ng dalawa, maaaring sundan na nila ang anak by next year.