By Robert R. Requintina
Malakas ang laban ng Filipino candidate na si Ion Perez sa Mister Universe Tourism 2018 pageant na gaganapin sa Pasig City sa May 29.
Ito ay ayon sa mga pageant reporters at special guests na dumalo sa press presentation ng 20 candidates para sa naturang contest na muntikan ng hindi matuloy dahil sa mga aberyang sinapit nito.
Nang tanungin si Perez kung ano ang reaksyon niya rito, sinabi niya: “Basta ang sa akin, ibibigay ko lang lahat ng makakaya ko para sa pageant na ito.”
Pero sinabi ni Perez, 26, na ito na ang huli niyang pagsabak sa mga pageant manalo o matalo man siya.Mas pipiliin na lang niyang tapusin ang kanyang pag-aaral sa Tarlac at maging fashion model kesa sumali pa uli sa mga pageant.
“Hindi na talaga ako sasali uli sa ibang pageant dahil pag-aaral na talaga ang aatupagin ko. Modelling okay pa pero hindi na sa pageant,” ayon kay Perez.
Noong 2017, inamin ni Perez ang dahilan kung bakit siya huminto ng pag-aaral. “Hindi ko po natapos ang 1st year. Kaya po ako huminto wala pa sa focus ko ang pag-aaral puro barkada pa ako at kalokohan.”
Si Perez ay unang nanalo sa patimpalak ng Misters of Filipinas noong isang taon. Bago rito, napili na siya bilang isa sa 69 hottest Cosmo bachelors ng Cosmopolitan Magazine.
Ilang araw bago mag-umpisa ang pre-pageant activities ng Mister Universe Tourism contest, medyo kabado pa si Perez at mahiyain.
Pero noong Sabado, larawan na si Perez ng isang contestant na handa ng sumabak sa giyera. Confident na siya, ika nga.