By Robert R. Requintina
Wagi ang pambato ng Pilipinas na si Benigno “Ion” Perez sa katatapos pa lamang na Mister Universe Tourism 2018 pageant na ginanap sa Tanghalang Pasigueno noong Martes ng gabi.
Tinanghal si Brata Angga Kartasasmita ng Indonesia na 1st runner-up samantalang si Avjeet Singh ng India ay 2nd runner-up.
Sa question-and-answer portion ng contest, tinanong si Perez: “If you could trade places with somebody, who would it be and why?”
Sumagot si Perez ng Kapampangan at trinanslate naman ito ni Atty. Richard Garcia Montoya sa English: “I would trade places with the President because a lot of people need jobs especially in the tourism industry and I could do a lot if I were president.”
Isa sa unang bumati sa pagkapanalo ni Perez ay ang kanyang mahal na ina na umakyat pa mismo sa stage at niyakap ang kanyang anak.
Pero hindi pa rin maiwasang maintriga ang pagkapanalo ni Perez dahil ginanap nga ang naturang pageant sa Pilipinas.
Iginiit ni Ferdinand Abejon, managing director ng nasabing pageant, na walang “cooking show” na naganap sa 2nd edition ng Mister Universe Tourism 2018 pageant.
Ayon kay Abejon, isa sa mga nagpanalo kay Perez ay ang kanyang good attitude.
“Though he used an interpreter, the answer of Ion Perez (in the Q and A portion) is more than enough to make him win the title, aside of course from his good face, body, and attitude,” ani Abejon.
Sinabi pa ng official ng male pageant na importante sa contestant ang may magandang ugali. “Isang taon mo siyang nakaka-trabaho kaya importante ang magandang pag-uugali ng tao.” Pero sinabi naman niya na walang naging pasaway sa mga candidates ngayong taon.
“Well, kung sa tingin nila ay cooking show, eh di gumawa sila ng sarili nilang pageant at gawin nila ang gusto nila,” dagdag ni Abejon.
Sinabi rin ni Abejon na mukhang aprubado naman ang pagkapanalo ni Perez sa ibang candidates dahil wala namang nagwalk out sa mga ito katulad ng nangyari noong 2017.
Kamakailan lamang ay nagbitiw na si Perez ng salita na ito na ang huli niyang pagsabak sa male pageant. Pagkatapos nito ay aasikasuhin na niya ang kanyang pag-aaral at pagmo-model.