By Robert R. Requintina
Inamin ni Tawag ng Tanghalan champion Janine Berdin na may mga ginagaya siya sa singer na si KZ Tandingan pero hindi sa aspeto na iniisip ng iba.
“Marami pong things na ginagaya ko kay Ate KZ Tandingan kasi idol ko po siya pero not in the way na ginagaya ko po ang style niya,” ayon kay Janine sa kanyang kauna-unahang interview sa “Tonight With Boy Abunda” sa ABS-CBN matapos itong magwagi sa singing contest ng “It’s Showtime” kamakailan lamang.
“Pero ang ginagaya ko po ‘yung drive niya, yung passion niya na hindi susuko. At yung pag-atake po niya (sa ibang kanta), gusto ko rin ‘yung atake niya pero iba yung atake ko,” dagdag ni Janine.
Nagsabi na rin si KZ na proud siya sa 16-year-old na biritera. “She has her own style. I’m proud of her.”
Nang tanuning kung ano ang paborito niyang kanta ni KZ, sinabi niya: “Yung OST po ng ‘Kita Kita’ Two Less Lonely People in the World.”
Tinanong din niya kung sino ang gusto niyang maka-jamming sa dalawa: Eraserheads or KZ. “Ang hirap pumili pero gusto ko pong makipag-duet kay Ate KZ po. Kasi malaking bahagi man yung E-Heads ng buhay ko, sobrang laki rin po ng influence niya sa buhay ko kasi siya po yung nag-push sa akin. Kahit hindi po niya ako kilala, gusto ko po ‘yung sinabi niya sa ‘X Factor’ nuon na hindi lang mga biritera ang nasa music industry, parang napi-feel ko ako po yung sinasabihan niya nun.”
Sinabi ni Janine na inspirasyon din niya ang kanyang lola sa pagkapanalo sa TNT.
“Maraming beses ko na po na-experience ‘yung failure. Yung lola ko po, isa po siya sa nagsasabi na kahit ayoko na po, tuwing bumibista po kami sa bahay nila, ino-on po niya yung karaoke at pinapakanta niya ako palagi,” ayon kay Janine.
Paborito niyang kantahin para sa kanyang lola ang awiting “I Will” ng The Beatles.
Ten years mula ngayon, dasal ni Janine na nakagawa na siya ng timeless music katulad ng mga awitin ng kanyang music idols.
“Sana makapagtapos na po ako sa pag-aaral ko. At sana hindi ko po ma-lose yung binigay sa aking ng TNT. Patuloy pa rin po akong gumagawa ng music. Sana ‘yung music na ito timeless din po kagaya ng ginagawa ng mga music ng idol ko,” dagdag ni Janine.
Sinabi rin ni Janine na gagamitin niya ang P150,000 cash prize sa pag-aaral nilang apat na magkakapatid at pagpapa-gamot ng kanyang lola.