TARLAC (PIA) – May kabuuang 61 na drug reformists sa Tarlac ang nagtapos kamailan sa Recovery at Wellness Program o mas kilala bilang Bahay Pagbabago Reformation ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Tarlac Police Provincial Office o TPPO Head Senior Superintendent Ritchie Posadas, ang mga reformists ay mula sa Gerona, Pura, Moncada, Paniqui, San Clemente at siyudad ng Tarlac.
Aniya ang mga ito ay sumailalim sa gamutang pisikal, psychosocial, spiritwal na aktibidad at kasanayang pangkabuhayan sa loob ng dalawang buwan.
Sa kabuuan ay 4,803 reformists na ang nagtapos at sumailam sa Bahay Pagbabago program sa buong lalawigan.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Police Community Relations Group Head Chief Superintendent Rhodel Sermonia ang TPPO dahil sa malawakan at epektibong pagpapatupad nito ng reformation program.
Umaasa aniya ang buong kapulisan na sa pamamagitan ng programang ito ay magtutuloy-tuloy ang totoong pagbabago nasimulan ng mga reformists sa komunidad upang ang kapayaan at kaayusan ay maghari sa buong bansa.