By ROBERT R. REQUINTINA
Katatapos lamang ng Mr. National Universe pageant sa Thailand nitong Lunes ng gabi.
Tinanghal na Mr. National Universe 2018 si Phanendra Prasai ng Nepal.
First runner-up si Natchanon Singlum (Thailand); at 2nd runner-up naman si Markos Vinicius (Brazil).
Ilan pa sa mga nanalo ng special awards ay sila David Ponte (USA), Mr. Congeniality; Natchanon Singlum (Thailand), Best in National Costume; at Lionel Luthi (Switzerland), Mr. Photogenic. Napasama naman sa Top 5 sina India at Malaysia.
Wala man sa Top 5, pinag-giitan ng pambato ng Pilipinas na si Kenly Filarca, na isa siya sa mga major title holder sa naturang male contest.
Nag-uwi si Filarca, 27, ng dalawang awards: Mr. National Universe Ambassador at ang People’s Choice Award.
Sa isang video message na lumabas matapos ang pageant, klinaro ni Filarca kung bakit nasabi niyang major winner siya sa international male pageant.
“Kung lalabas kami halimbawa with Mr. Nepal na grand winner, kasali ako. So dalawa kaming title holder for this edition. Kaya ‘wag kayong magulat or mag question kung bakit wala ako sa Top 5. Spread the love, no hate, no bashing because I am very, very grateful right now. I am happy with everything,” aniya.
Pero tila hindi satisfied dito ang ilang pageant fans.
Ayon sa kanila, ang “ambassador” award ay special recognition lamang at hindi ito ka-level ng Mr. National Universe title. Sinabi rin ng iba na siguro hindi lang raw matanggap ni Filarca ang kanyang pagkatalo.
Nguni’t pinatotohanan ni Ferdinand Abejon, national director ng Mr. National Universe Philippines contest, na major title ang “ambassador” award na nakuha ni Filarca.
Bilang “ambassador’’ ng nasabing pageant, ipo-promote ni Filarca ang male contest na gaganapin sa Pilipinas sa 2019.