by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Stranded ako ng limang oras ng nakaraang linggo! Bumuhos bigla ang napakalakas na ulan kaya flash flood agad! Ang hirap sumakay sa mga pampasaherong sasakyan.
Kahit GRAB, walang makuha! Traffic at baha ang naging problema sa buong Metro Manila! Taon-taon na lang na problema ito!
Ilang gobyerno na ang dumaan! Wala na ba talagang solusyon ang baha sa buong bansa lalo na sa Metro Manila! Bakit ba ang bilis bumaha sa Metro Manila?
Ferdie ng Alabang
Hi Ferdie,
Nagtataka ka pa Ferdie? ‘Wag na muna natin idamay ang gobyerno. Tumingin muna tayo sa sarili natin. Disiplina ang problema dyan!
Sa pagtatapon ng basura, kung saan-saan! Sa ilog, sa estero, sa kanal, minsan sa tapat ng gate ng kapitbahay! Basura ang dahilan ng pagbabaha sa Metro Manila! So sobrang dami ng basura, pati ibabawa ng tulay, binabaha! Ibabaw ng tulay!
Dito lang sa Pilipinas nangyayari yan! Ibabaw ng tulay binabaha! Kahit sa Japan hindi nila kaya ‘yan! Sa sobrang dami ng basura, may nakita akong ilog, hahawiin mo muna ang basura bago mo makita yung tubig! May nakita nga akong bubong, punong-puno ng basura! Biruin mo, bubong, tinatapunan ng basura!
Sabagay, mas matibay ang bubong mo kapag nilagyan ng basura! Kapag may bagyo, liliparin muna ang basura bago ang bubong niyo!
•
Hi Alex,
May bago akong biling cellphone! Mamahalin, ayaw kong sabihin ang brand (SAMSUNG). Naka-box pa, pinag-ipunan ko ng matagal! Naiwan ko sa taxi! Hindi ko nakuha ang plate number!
Walang palatandaan yung bago kong cellphone dahil hindi ko pa nabubuksan! Nasa akin ang resibo! Mababalik pa kaya sa akin ang cellphone ko?
Lyn ng Makati
Hi Lyn,
May mga bagay sa mundong ibabaw na masakit man ay kailangan natin tanggapin. Matagal mong pinag-ipunan, nagtiis ka ng matagal na panahon, nagtipid, nagsumikap para mabili ang cellphone na sinasabi mo. Ayaw mo na nga sabihin ang brand (SAMSUNG) dahil alam ko ubod ng sakit!
Heto ang maipapayo ko sa’yo, parang theme song lang sa Disney animated movie na FROZEN – let it go, let it go! – hindi na siya maibabalik sa’yo! Hayaan mong magsilbing aral ang nangyari sa’yo! Wag kang malungkot, may isang tao ka naman na napasaya. Siya ngayon ang gumagamit ng bago mong cellphone (SAMSUNG).
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007