SA kauna-unahang pagkakataon, inamin ni reigning Mister Universe Tourism Ion Perez sa exclusive interview na may anak na siya.
“May 3-year-old na anak na po akong lalaki,” ang sagot ni Perez nang tanungin kung totoo nga bang may anak na siya, sa isang interview sa launching ng Bayongciaga products sa Studio A, Quezon City nitong Sabado.
Ang Bayongciaga ang kauna-unahang endorsement ni Perez mula nang manalo siya sa international male pageant two months ago lamang. Kasama ni Perez sa endorsement and reigning Miss Philippines Youth na si Nadine Bornilla. Ang bag company ay pagmamay-ari nila Javier Villarfuel at Jov Ravago.
Ipinagtapat din ni Perez, 27, na ang kanyang anak ay nasa poder ng kanyang partner.
“Nakikita ko lamang ang anak ko kapag hinihiram ko siya sa mama niya. Nangyari po ‘yun dala na rin ng pagiging mapusok ko noon,” sabi ni Perez.
Pero iginiit ni Perez na never niyang pinabayaan ang kanyang anak. “Hindi man kami nagkikita madalas pero hindi ko talaga pinapabayaan ang anak ko.”
Nang tanungin kung gusto rin ba niyang sumali ang kanyang anak sa male pageant paglaki nito, sinabi ni Perez: “Nasa sa kanya po iyon. Sana maging proud siya sa mga achievements ko sa pageant. Makikita naman niya ang pinag-mulan ko pag nagka-isip na siya.”
Ayon kay Dr. Jumel Bornilla, President ng Mister Universe Tourism pageant, nalaman nilang may anak na si Perez matapos ang pageant.
“We’ve discussed about it. But who are we to judge?” sabi ni Bornilla.
Dagdag pa ni Bornilla na hindi nila tatanggalan ng korona si Perez dahil hindi naman nito pinapabayaan ang kanyang mga responsibilidad sa Mister Universe Tourism.
Unang nanalo si Perez sa Misters of Filipinas 2017 bago siya tinanghal na Mister Universe Tourism 2018. Ang dalawang nasabing patimpalak ay para sa mga binata lamang. (ROBERT R. REQUINTINA)