By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Madalas akong makakita ng mga snatcher sa lugar namin. Minsan solo, minsan grupo sila. Madalas nilang biktimahin yung mga nakasakay sa jeep. Minsan gusto ko silang habulin para tulungan yung biktima kaya lang naiisip ko rin ang sarili kong kapakanan. Ano ba ang gagawin para mahuli ang mga snatcher sa lugar namin.
Nestor ng Pasay City
Hi Nestor,
Tama ang ginawa mo na wag habulin ang mga snatchers. Delikado yan dahil may mga kasama yan. Mapapahamak ka talaga! Gayahin mo na lang ang mga ginawa ng pulis dito sa amin. Naglagay sila ng sign sa poste na nakalagay ‘Mag-ingat sa mga Snatchers’. O di’ba mas effective yun, alam ng pulis namin na may mga snatchers dun, imbes na hulihin nila, naglagay na lang sila ng warning. Yan ang smart!
Hi Alex,
Marami akong kaibigang mayaman, may magagandang bahay, mamahaling kotse, talagang mayaman! Mababait naman sila at may mga mabuting kalooban. Pero bakit kapag sa teleserye, karamihan sa mga mamayaman eh masasamang tao? Ano po ang paliwanag niyo dito Tito Alex?
Nancy ng Quezon City
Hi Nancy,
Hindi ko rin maintindihan. Kaming mga mayayaman eh mababait naman. May mabuti naman kaming kalooban pero lagi na lang pinapalabas na masama sa mga teleserye at pelikula. Joke lang, mahirap din ako! Libre naman mangarap! Alam mo, isa lang ang naiisip kong dahilan. Inggit. Kasi kung mayaman na nga at mabait pa, sobra-sobra na. Mayaman na nga, masaya pa ang buhay, sobrang nakakainis na! Kaya dapat hanapan mo sila ng butas. Kaya kapag nakakakita ka ng mayaman, iisipin mo na ‘mayaman nga sila, pero hindi naman sila masaya!’. O kaya, ‘mayaman nga sila pero masasama naman ang ugali’. Kailangan mo isipin yan para hindi sila masyado nakakainggit!
Hi Alex,
Madalas po ang almusal namin sa bahay ay tocino, longganisa, spam o kaya tapa. Minsan kasabay sinangag, minsan tinapay. Kasama pa rito ang itlog, pwedeng scrambled o kaya minsan, sunny side-up. Araw-araw po ito, walang patid. Ang tanong, masama po ba ito sa katawan?
Isko ng Makati City
Hi Isko,
Ginutom ako sa sulat mo! Ang sarap ng almusal mo! Hindi masama yan! Ang masama kapag wala kang makain! Enjoy ka lang! Nagutom ako!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007