By RUEL J. MENDOZA
NAIS magpaabot ng kanyang tulong ang Ultimate Star na si Jennylyn Mercado sa isang bata na kailan lang ay nag-viral ang video dahil sa ginawang pambubugbog dito ng kanyang stepmother.
Sa news program na “24 Oras” napanood ng Kapuso leading lady ang nangyari sa naturang bata at agad niyang inalam kung saan puwedeng makontak ang mga nag-aalaga sa bata via Facebook.
Ani sa post, “Can anyone inform us how we can reach out to this poor girl? Jennylyn Mercado experienced child battery when she was barely 3. Jennylyn survived because her Mommy Lydia saved her from further physical, spiritual and emotional abuse. Jennylyn would like to extend her support to this girl. Please let us know.”
Hindi naman kaila sa lahat ang pinagdaanan ng kauna-unahang StarStruck Ultimate Female Survivor noong bata pa siya sa kamay ng kanyang stepfather.
Iniwan siya rito ng kanyang tunay na ina na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Naligtas si Jennylyn ng kanyang tiyahin na si Lydia Mercado.
Si Mommy Lydia na ang umampon kay Jennylyn at ito na ang nakilalang ina ng aktres.
Sumakabilang-buhay na si Mommy Lydia noong October 2016 dahil sa sakit na pneumonia.