Kungakala nang ilan na tapos na ang karera ni Jake Zyrus – dating kilala bilang international singing sensation na si Charice Pempengco – aba’y nagkakamali sila.
Eto ay dahil bibida si Zyrus sa isang Japanese movie na pinamagatang “Yaru Onna” o “She’s a Killer” in English.
Hindi lang siya extra rito, huh?
Ani Zyrus, support role ang nakuha niya pero mahalaga ito sa takbo ng istorya.
“I play the role of Akira, parang best friend ako nung bida na si Aiko, played by Kang Ji-Young. Kamay niya ako. Isa siyang assassin tapos ako ‘yung tumutulong sa kanya na maghanap ng next target niya,” kuwento niya sa ABS-CBN News.
Proud si Zyrus sabihin na personal siyang pinili ng mga producers ng pelikula para sa role.
Kung magtataka ang marami kung bakit iba pa raw ang boses niya sa pelikula, ito ay dahil last year pa sila nagsimula mag-shoot.
“Kaya sa movie, maliit pa ang boses ko, before the transition ‘yun, and ako din po ang kumanta ng theme song,” aniya.
Suportado raw ng mga producers ang desisyon niya na magpalit ng imahe.
“Nakakatuwa din po kasi pati credits, from Charice Pempengco to Jake Zyrus, pinalitan din nila talaga and they’ve been supportive about it,” pahayag niya.
Ayon pa kay Zyrus, “Nag-transition na ako noong andoon na ako and they’re very respectful about it.”
Oktubre 27 ngayong taon ipalalabas sa Japan ang pelikula, pero hindi pa tiyak kung maipalalabas din ito dito sa Pilipinas. (Delia Cuaresma)