By ALEX CALLEJA
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Ang laki na ng mapapanalunan sa lotto. Lagpas 500 million na. Naisip ko tuloy, ano kaya ang gagawin ko kapag nanalo ako sa lotto. Ikaw, Tito Alex, anong gagawin mo kapag nanalo ka sa lotto?
Shane ng Bulacan
Hi Shane,
Bago ko sagutin kung ano ang gagawin ko kapag nanalo ako sa lotto, bibigyan ko muna kayo ng isang opinion kung bakit mahirap manalo sa lotto. Alam ko na kapag tumataya tayo, may mga numbers kayong tinatayaan na may kahulugan, birthday mo, birthday ng anak mo, birthday ng asawa mo, birthday ng girlfriend o boyfriend mo. At lahat tayo, nagdadasal na sana manalo. Yan ang dahilan kung bakit mahirap tumama sa lotto! Lahat tayo nagdadasal, kaya ang panginoon, nalilito kung sino ang papatamain sa lotto. Medyo naiinis na rin siguro siya kasi ilang milyon ang nananalangin para tumama sa lotto. Biruin mo, isa lang ang tatama sa lotto, so ang ibig sabihin nun, isa lang ang matutuwa sa panginoon, at ang hindi tumama, galit na galit. Sasagutin ko na ang tanong mo, kung ano ang gagawin ko kapag tumama ako sa lotto. Ang kalahati, ibibigay ko sa charity. Bakit ko ibibigay, kasi para panalunin ako ng panginoon. Karamihan sa mga tumatama, ang sinasabi, kalahati ibibigay sa charity. Ganun din ang gagawin ko. Hindi ko maipapangakong gagawin ko pero susubukan ko. Goodluck sa lahat ng mga tumataya sa lotto!
* * *
Hi Alex,
Nabalitaan niyo po ba yung mga bigas na binubukbok pero pwede pa daw kainin dahil ginawa ng isang government official? Nainis ako sa news na yun pero mas nainis ako ng nalaman ko na nag-iimport o umaangkat na pala tayo sa ibang bansa ng bigas? Paano po nangyari yun?
Mitoy ng Pasay
Hi Mitoy,
May dalawang dahilan kung bakit tayo umaangkat ng bigas. Una, maraming mga palayan ang nagiging commercial land na. Tinatayuan ng subdivision o residential. Minsan naman, patatayuan ng mall or shopping center. Kaya kumokonti ang lupa para sa palayan. Ang pangalawa, ang hilig na kasi natin sa extra rice o kaya unli-rice! Kaya hindi na kaya ng supply natin ng bigas ang pangangailangan natin! Magbawas kayo ng extra rice at unli-rice!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007