By ALEX CALLEJA
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Malapit na po akong makatapos ng high school. Nag-iisip po ako kung ano ang magandang course na kunin. Gusto ko sanang course ay ‘yung madali lang. ‘Yung hindi mahirap matapos at maipasa! Gusto ko rin, kapag nakatapos ako, madaling makakuha ng trabaho. ‘Yung konti lang kaming naka-graduate sa course na ‘yun kaya kami pinag-aagawan! Ano kaya ang magandang course na kunin sa college?
Menchu ng Marikina
Hi Menchu,
Gusto mo madali at hindi na mahirap maipasang course. Pero gusto mo rin na konti lang kayo na makaka-graduate sa course na yun! Aba, ang tindi ng mga gusto mong mangyari ha! Walang ganung course! Kung gusto mo pumasa ng walang kahirap-hirap, pagawa ka ng diploma sa Recto!
* * *
Hi Alex,
Sixteen-years-old na ako at excited na akong mag-drive dahil may bago kaming sasakyan! Ang problema, wala pa akong lisensiya. Ang sabi nila, mag-aral daw muna ako mag-drive bago ako kumuha ng lisensiya. Ang sabi naman ng iba, lisensiya muna bago mag-aral mag-drive. Ano ba talaga ang dapat unahin?
Dencio ng Taguig
Hi Dencio,
Unahin mo ang mag-aral, mag-aral ng mabuti sa eskuwelahan! Seriously, pwede namang sabay, habang nag-aaral ka mag-drive, kumuha ka na rin ng lisensiya. Pero sa totoo lang, sa simula lang nakaka-excite mag-drive. Kapag bago ka pa lang, sabik na sabik ka mag-drive, malayo o malapit, traffic o hinde. Lahat ng opportunity para mag-drive, papatulan mo. Pero kapag matagal na, sinasabi ko sa’yo, nakakatamad na. Maniwala ka sa akin, gugustuhin mo pa mag-GRAB!
* * *
Hi Alex,
Nabalitaan ko na magkakaroon na raw in five years ang Metro Manila ng subway. Ang subway eh daan o tunnel sa ilalim ng lupa kung saan pwedeng dumaan ang train. Ginawa raw ito para makabawas ng traffic sa Metro Manila. Sa tingin niyo makakatulong ito para mabawasan ang traffic sa kamaynilaan?
Pancho ng Guadalupe
Hi Pancho,
Maaring makatulong kasi sa ilalim na dadaan at hindi makakabawas sa laki o lawak ng daan tulad ng nangyayari kapag may nilalagay na MRT o LRT. Ang suggestion ko lang, huwag train ang ilagay sa ilalim, dapat bangka. Kasi malamang, kapag malakas ang ulan, babahain ‘yang subway natin. Mas mabuti pang bangka na lang para handa!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007