By MELL T. NAVARRO
PASOK sa “Where Stars Land,” isang Korean airport drama series, sina Ejay Falcon at Lauren Young matapos silang mapili para lumabas sa show bilang Filipino characters.
Noong Sept. 14 ay lumipad sina Ejay at Lauren papuntang Seoul, South Korea upang mag-shoot ng ilang episodes, at hanggang Sept. 22 sila doon.
Sina Ejay at Lauren ang very first Pinoy artists na mapapanood sa isang K-drama na ipalalabas sa SBS, isang major network sa South Korea.
Kasama nila sa show ang Korean actor na si Lee Je-hoon at Korean actress na si Chae Soo-bin.
Dati nang nagbida si Lee Je-hoon sa K-dramas na “Secret Door” at “Tomorrow,” samantalang si Chae Soo-bin ay lumabas rin sa “Love In The Moonlight.”
Sixteen episodes ang “Where Stars Land” na kadalasan ay sa mismong Incheon Airport ang location ng mga eksena.
Laking pasasalamat ng PPL artist na si Ejay sa pambihirang pagkakataong ito na makalabas sa isang Korean drama.
Sa kanyang Instagram, masayang nagpost si Ejay ng magandang balitang ito.
Post niya, “Opportunity Unlocked! #grateful #falconincheon.”
Sa unang araw pa lang nga ni Ejay sa set ay nagpa-picture na ito sa bidang si Lee Je-hoon na gumaganap na mysterious airport employee na may tinatagong sikreto.
Romance-melodrama ang “Where Stars Land” na twice a week (Monday and Tuesday nights) eere sa Korea simula Oct. 1.
Ang direktor nito ay si Shin Woo-Cheol na siya ring direktor ng “Lovers In Paris” isang super sikat na Korean drama, na pati sa Pilipinas ay tinangkilik ng Pinoy.
May posibilidad mapanood ang “Where Stars Land” sa Pilipinas (with English subtitles) via VIU Philippines.