By ALEX CALLEJA
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Naiinis ako kapag nagpaparenew ako ng passport or lisensiya. Dalawampung taon na akong nagpaparenew ng passport at lisensiya pero hanggang ngayon, mahaba pa rin ang pila! Laging may pila sa lahat ng sangay ng gobyerno kung saan may kailangan kang kuning dokumento! OK lang sana kung maikli lang, habang tumatagal, pahaba ng pahaba. Paminsan-minsan, swe-swertehin ka kapag maiksi, pero paminsan-minsan lang, parang tumama ka sa lotto! Paano ba mawawala ang napakahabang pila Tito Alex?
Ernie ng Dinalupihan
Hi Ernie,
Kailangan na nating tanggapin na ang pagpila ay parte na ng buhay nating mga Filipino. Lahat ng lugar may pila – MRT, sakayan ng jeep, elevator, public toilet! Lahat may pila. Pero, in fairness, ginagawan naman ng paraan ng ating gobyerno. Nagpa-renew ako last week ng passport sa DFA, may mga upuan na! Mahaba pa rin ang pila pero nakaupo ka na imbes na nakatayo. Laking bagay na ‘yun. Nakakalibang din kasi para kayong naglalaro ng trip to Jerusalem kapag lumilipat kayo ng upuan. Nakakatuwa rin panuoring ang mga Pinoy kasi habang lumilipat, tuloy pa rin ang tsimisan!
Hi Alex,
Ang dami ng mahal na bilihin! Ang mahal na ng gas, bigas at mga presyo ng gulay! Pero ang pinakamaingay na nagmahal ng presyo eh ang presyo ng sili! One thousand pesos na kada isang kilo! Bakit po ba nagmahal ng presyo ang mga sili?
Fely ng Navotas
Hi Fely,
Nagmahal ang presyo ng sili dahil naimpluwensiyahan tayo ng mga Koreano sa pagkain ng mga maaanghang! Dati Espanyol, Amerikano at Hapon ang madalas maka-impluwensiya sa atin. Ngayon, mga Koreano na! Mas marami ng Koreano dito sa Pilipinas kesa sa Korea. Lahat ng mga galing sa Korea, ginagaya natin! Porma, Koreanovela, pati na sa pagkain! andito na rin si Ryan Bang!
Koreano ang nagpauso ng mga maanghang na noodles kaya gumaya rin tayo. Kaya ayan, nagmahal ang sili! Malamang, nag-eexport na rin tayo ng sili sa Korea kaya naubusan tayo! Paano ko napatunayan yan? Bakit sili lang ang nagmahal, ‘yung dahon ng sili hindi! Isang halaman lang sila! Alam niyo kung bakit? Ang mga Koreano, hindi kumakain ng dahon ng sili! Confirmed!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007