ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Nasa probinsiya ako ngayon dahil dito nilibing ang tatay ko. Napapaligiran ang bahay namin ng mga puno at sabi ng mga matatanda dito, may mga kapre daw sa nakatira sa mga puno na nakapaligid sa bahay namin. Kapag gabi daw lumalabas ang kapre at madalas daw itong naninigarilyo habang nakakapit sa sanga ng mga puno. Naniniwala ba kayo sa kapre?
Mony ng Cabanatuan
Hi Mony,
Totoo ang kapre at naninigarilyo nga sila sa mga puno. Pero depende yan kasi may mga puno na ‘No Smoking Area’ kaya lumilipat na ang mga kapre kung saan legal manigarilyo. Mahirap na baka magmulta sila. Saka may mga kapre na modern na ngayon kay vape na ang ginagamit hindi sigarilyo.
* * *
Hi Alex,
Ang dami ko ng napanuod na nakakatakot at napansin ko na halos ng mga multo, walang mataba! Lahat payat o kaya halos bungo na! Bakit walang matabang multo?
Liezel ng Lucena
Hi Liezel,
Walang matabang multo kasi mahihirapan silang magtago. Kahit anong tago nila, lalabas ang katawan nila at makikita sila. Saka imbes na matakot, mapipisil mo sila sa pisngi kasi cute ang mga multo na chubby! Mahihirapan din silang lumutang kasi medyo may kabigatan sila. Mahihirapan din silang lumabas ng TV kung ala-Sadako ang peg nila. At higit sa lahat, mahirap maghanap ng size ng putting damit kapag mataba ang isang white lady!
* * *
Hi Alex,
Halos isang linggo na akong nilalaganat kaya hindi ako nakapasok sa school. Nagpatingin na ako sa doctor pero wala naman silang nakitang problema sa akin. Ang ginawa ng nanay ko ay dinala ako sa albularyo para ipatawas. Ang lumabas na resulta ay may white lady daw na may gusto sa akin. Yung white lady daw ay nasa 3rd floor ng school namin. Ang nakakatakot, sinundan daw ako ng white lady at nakatira na ito sa bahay namin. Sabi ng albularyo ay kausapin ko daw ang white lady para umalis na sa bahay namin. May maipapayo po ba kayo?
Gerry ng Lipa City
Hi Gerry,
Mahirap yang sitwasyon mo. Mahirap magpalayas ng white lady sa bahay. Asawa ko nga, hindi ko mapalayas eh, white lady pa! Lumipat na lang kayo ng bahay!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007