ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
May officemate ako na may gusto sa akin. Nakakainis siya kasi hindi naman gwapo. Napapansin ko, lagi ko siyang nakakasabay papasok sa office namin. Sa simula, naisip ko baka aksidente lang or nagkataon lang. Pero halos araw-araw na eh. Pagsakay ko ng tricycle, makakasabay ko siya. Pagsakay ko sa jeep, kasabay ko pa rin siya. Pagsakay ko sa MRT, kasabay pa rin siya. Inaadd pa ako sa Facebook! Ano bang gagawin ko sa office mate ko na daig pa ang stalker! Ireklamo ko po ba sa HR o ireklamo ko sa pulis?
Ira ng Canlubang
Hi Ira,
Sobra ka naman IRA, report agad sa pulis at HR! Hindi mo nga nasabi kung magkalugar kayo. Baka naman magkalugar kayo kaya nagkakasabay kayo. Saka wala namang ginagawang masama sa’yo. Alam mo kung bakit stalker ang tingin mo? Kasi hindi gwapo. In short, pangit! Ganyan pa rin ba ang ang magiging reaction mo kung pogi yang officemate mo? Kapag nagkasabay kayo at gwapo yan, magrereklamo ka ba? Kapag inadd ka sa Facebook, dededmahin mo ba? Yan tayo eh! Kapag pangit, stalker, kapag gwapo, boyfriend material! Unfair!
* * *
Hi Alex,
May bagong bili akong kotse at gusto ko sanang ipa-setup. Lagyan ng spoiler, palitan ang mugs, palitan ang gulong, lagyan ng matinding sounds. Gusto ko rin palitan ang tambutso para astig ang tunog. Papaleather ko rin ang seatcover at papalitan ng maliit na manibela. Gusto ko rin pa-ceramic coating para makintab. Papalowered ko rin para astig ang bagsakan!
Magkano po kaya ang gagastusin ko?
Manny ng San Pedro
Hi Manny,
Hanep! Parang bumili ka ng bagong kotse para palitan mo lahat ha! Mahal yang mga balak mo sa kotse mo! Saka, isipin mo muna kung bagay sa Maynila ang mga ipapagawa mo. Pa-lowered? Ang daming humps dito! Mabubungi ang kotse mo! Saka minsan, kapag sobra, imbes na gumanda, lalong pumapangit! Lalo na yung parang may spoiler ng parang pakpak ng eroplano sa likod, nagmumukhang sampayan! Leather seats? Kapag pinawisan ka, dikit ang balat mo sa leather! Pag-isipan mo yan. Gusto mo magandang mags? Sige lang para takaw mata sa mga kawatan! Mabilis mabenta sa Banawe yan! Wag masyadong aksayahin ang pera sa pagpapaganda ng kotse! Ang ganda nga ng kotse mo, butas naman bulsa mo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007