Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May bisita kaming Amerikano. Tumira siya sa bahay namin ng isang linggo. Nalilito siya sa banyo dahil hindi niya alam kung paano gamitin ang tabo. Wala kaming shower kaya hirap na hirap siya kung paano gamitin ang tabo. Kapag dumudumi siya, mas naghahanap siya ng tissue kesa gamitin ang tabo. Hindi rin siya pamilyar sa bidet at tissue lang talaga ang ginagamit niya. Bakit mas gusto ng mga Amerikano ang gumamit ng tissue kesa maghugas kapag dumudumi?
Dencio ng Capaz, Tarlac
Hi Dencio,
Mahihirapan talaga silang gumamit ng tabo kapag nasanay sila sa shower. Kasi sa shower, hinihintay mo lang ang tubig at walang hawak ang kamay mo. Kapag may tabo, kailangan mo ng coordination. Sabon, buhos ng tabo, shampoo, buhos ng tabo, mahirap yun ha! Masipag kasi ang pinoy! Sa paghugas naman ng puwet, mas gusto nila ang tissue kesa maghugas ng puwet gamit ang taboo o bidet. Pero mas nakakadiri di’ba. Nasubukan mo na ba magpunas ng natapong pagkain sa lamesa gamit ang tissue. Halimbawa, adobo, natapon sa lamesa. Di’ba kapag pinunasan mo ng tissue, hindi masyadong malinis, amoy mo pa rin ang adobo? Ganun din sa paghugas ng puwet, kapag tissue, hindi masyadong malinis. Kapag tabo o bidet, linis, walang natitira! Alam mo na ha!
•
Hi Alex,
Naghahanda na ako ng mga regalo para sa mga inaanak ko. Ang iba, mga bata pa, ang iba naman, malalaki na. Binata na nga ang iba. Ang kaibahan sa mga kabataan noon, mga kabataan ngayon, choosy sa regalo, mga judgemental. Gusto mamahaling regalo. Yung iba nga, nagrerequest pa ng cellphone o laptop o kaya Playstation. Nahihirapan ako kasi kapag sinunod ko sila, iba-iba ang magiging regalo ko. Ano ba ang dapat kong gawin?
Lester ng Makati
Hi Lester,
Ninong ka hindi ka si Santa! OK lang magregalo sa mga bata na hanggang 12 years old kasi ang Pasko ay pambata. Pero kapag teenager o binata na, mahiya na sila. Kapag malaki pa sa’yo at may adam’s apple na, tama na! Saka para umasa sila na maganda ang regalo nila, ibalot mo sa malaking karton! Aasa sila na bongga ang regalo mo. Pagdating nila sa bahay, dun sila madidisappoint. Wala na silang magagawa! OK na ang simpleng regalo kesa magtago ka!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007