MALA-DANIEL Padilla at Kathryn Bernardo sina Richard Gomez at Sharon Cuneta noong mediacon, ng “Three Words to Forever.” Sweet-sweet-an ang ex-lovers na nakapatong pa ang mga kamay sa lap ng isa’t isa. Panaka-naka’y nagtitinginan (o nagtititigan?) pa nga ang mga ito at tila nagbubulungan.
Mas showy si Sharon na may pahaplos-haplos pa sa mukha ni Richard, pasandal-sandal sa balikat ng actor-politician, payakap-yakap.
Nag-throwback si Sharon sa naging relasyon nila noon ni Richard. Aniya, six years on-and-off ang relasyon nila. Oct. 11, 1989 noong naging officially together sila. Pareho silang 23 years old at that time.
Pasensiyosang girlfriend daw siya ani Sharon. Ang dami nilang pinagdaanan sa kanilang relasyon at kay Richard lang daw siya nakapagtiis. Never daw niyang ginawa sa ibang guys na nakarelasyon niya ito.
“He is a good person at madali siyang mapatawad. Once or twice lang kami nagtaasan ng boses (nu’ng nag-away sila). Once ko lang siya nasampal,” pahayag ni Sharon. Joke pa ng megastar, “Ako ang nagsaing, iba ang kumain.”
SUPER PROUD
Sa Ormoc City kung saan mayor si Richard Gomez kinunan ang mga eksena sa “Three Words to Forever.” Three weeks sila roon na ayon kay Sharon, noong mga first shooting days nila’y nalulungkot siya dahil malayo siya sa kanyang pamilya.
Ninenerbiyos siya at nakikiramdam sa pagtatrabaho nila ni Richard. “Parang hindi ko na siya kilala. Nagbi-Bisaya na siya. Hindi ako sanay na mayor na siya. Hindi ko akalain dahil puro kalokohan sila noon nina Joey (Marquez) at John (Estrada). I’m super proud of Richard na in his three years as mayor, marami na siyang nagawa. Very progressive na ang Ormoc City,” anang megastar. Kandidato muli si Richard sa 2019 mid-term elections bilang mayor.
Reunion movie nina Sharon at Richard ang “Three Words to Forever” after 15 years. Kasama sa cast sina Kathryn Bernardo, Joross Gamboa, Liza Lorena, Freddie Webb at Tommy Esguerra. Showing on Nov. 28.