KINILIG ang Kapuso actress na si Sanya Lopez nang makarating sa kanya na type daw siyang ligawan ng aktor na si Renz Fernandez.
Magkasama ang dalawa sa bagong primetime teleserye ng GMA-7 na “Cain At Abel.”
Ayon kay Renz, nagagandahan at naseseksihan ito kay Sanya at kung liligawan niya ito, gusto niyang mas makilala pa ito muna.
Si Sanya naman ay noon pa ma’y sinasabi na isa siyang certified “NBSB” or “No Boyfriend Since Birth.”
Wala naman daw problema sa aktres kung susubukan siyang ligawan ni Renz.
“Sino naman ba ako para tumanggi o huminde sa plano niyang manligaw sa akin, ‘di ba?
“Ang guwapo kaya ni Renz at mabait pa.
“Pero ayoko pong umasa. Siguro mas maganda na maging magkaibigan muna kami.
“Since magkakasama kami sa iisang teleserye, I think it’s good na we bond muna as co-workers, maging magkaibigan and tingnan natin kung saan pa mapupunta iyon,” pahayag pa ni Sanya.
Kung may manligaw daw kay Sanya ngayon, hindi na raw makikialam dito ang kanya kuya, ang Kapuso hunk na si Jak Roberto.
Naikuwento noon ni Sanya na very protective ang kanyang Kuya Jak lalo na raw kapag may mga lalakeng gustong manligaw sa kanya.
“Sobrang strict ni kuya talaga noon sa akin. Napaka-protective niya. Ayaw niyang may nanliligaw sa akin noong nasa age ako ng 14 or 15. Talagang ayaw niya.
“Hindi ko naman masisisi si kuya kasi ever since na nawala ang father namin, siya na ang parang tumayong tatay ng pamilya namin.
“Eh, dalawa lang kaming magkapatid kaya wala akong choice kundi sumunod sa kanya, ‘di ba? Kasi kung pasaway ako, nakaamba na ‘yung tsinelas sa akin!” malakas na tawa pa ni Sanya.
Pero noong dumating na sa tamang edad si Sanya, naging maluwag na raw si Jak sa kanya.
At kahit busy raw si Jak sa mga trabaho nito, hindi raw nawawala ang pagpaalahanan siya parati.
“Laging sinasabi sa akin ni kuya, ‘Ikaw na ‘yan, malaki ka na. Alam mo na kung ano ang tama o mali. Basta i-control mo lang ang sarili mo, alagaan mo lang ang sarili mo. ‘Yung kalagayan mo ngayon andiyan ka na, alagaan mo ‘yan.’
“Lahat naman ng pangaral ni kuya ay hindi ko binabale-wala. Importante sa akin ang lahat ng mga sinasabi niya sa akin.” (RUEL J. MENDOZA)