ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Ang hilig ko sa manggang hinog. Kung saan-saan pa ako dumadayo para lang makahanap ng matamis na manggang hinog. Hindi ako nakakakain kapag walang manggang hinog bilang dessert! Gusto ko lahat ng pagkain ko may kasabay na mangga! Pero ang nakakainis, madalas, maasim ang nabibili ko! Madami ang mga nagbibigay sa akin ng tips kung paano malalaman kung matamis ang mangga. Sabi ng iba, kapag nilalanggam, sabi naman ng iba, nasa amoy, sabi ng iba nasa kulay! Ano ba talaga ang mabisang paraan para malaman kung matamis ang mangga?
Sonya ng Marikina
Hi Sonya,
Naku, wag kang magpapaniwala sa mga ritual na yun! Yung langgam, sila lang naglagay nun! Trained yung mga langgam na yun. Yung amoy at kulay, spray lang yun! Madali lang malaman kung matamis ang manggang hinog. Pahiwa mo, tikman mo, kapag matamis, yun na yun!
* * *
Hi Alex,
Ang hilig ng Tatay ko na isawsaw ang pandesal sa kape. Araw-araw, lagi niyang ginagawa ito. May palaman o wala, kahit pandesal lang, sinasawsaw niya! Paano ba nagsimula ang pagsawsaw ng pandesal sa kape?
Norie ng Pansol, Laguna
Hi Norie,
Nagsimula yan talaga sa mga lalake. May lalake na inumaga ng uwi, tumuloy sa kusina, nagtimpla ng kape habang kumakain ng pandesal. Nagising si Misis, nakita si lalake. Galit na galit si Misis kasi inumaga na naman si lalake. Binatukan ni Misis si lalake, nalaglag ang pandesal sa kape. Kinain pa rin ni lalake ang pandesal, nasarapan siya. Kaya mula noon, sinasawsaw na ni lalake ang pandesal sa kape. Pero hindi na niya inulit yung nagpaumaga siya kasi ayaw niya ng mabatukan!
* * *
Hi Alex,
Hirap akong matulog sa gabi. Ang sabi nila baka may Insomnia ako. Lahat ginawa ko na para mabilis makatulog, inom ng gatas, magbilang ng tupa, inhale at exhale at kung anu-ano pa. Nakakatulog ako halos umaga na! Absent tuloy ako palagi sa trabaho ko. Malapit na akong matanggal kapag hindi ko nagamot ang Insomnia ko! Ano ba ang dapat kong gawin?
Melody ng Cabanatuan
Hi Melody,
Umalis ka na sa trabaho mo at mag-apply bilang Call Center agent. Hindi ka na mamromroblema sa Insomia mo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007