ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Ilang araw na lang at Pasko na. Problema na naman kung ano ang magandang iregalo sa mga mahal natin sa buhay. Ako, ang problema ko eh kung ano ang ireregalo ko sa dalawang girlfriend ko. Opo, may dalawa po akong girlfriend at maniwala kayo sa hindi, pareho ko silang mahal. Kaya ang gusto ko, magkaiba man ang regalo ko sa kanilang dalawa, parehong maganda dapat ang meaning. Hindi rin dapat nagkakalayo sa presyo at yung talagang magugulat sila. Yung tipong magiging unforgettable ang Pasko nila kapag natanggan nila ang ibibigay kong regalo! Ano ba ang magandang iregalo ko sa dalawa kong girlfriend?
Melencio ng Navotas
Hi Melencio,
Dalawa girlfriend mo? Ang pogi natin ha! Saka gusto mo tulungan kita para makaisip kung ano ang ireregalo sa dalawang girlfriend mo na pareho mong niloloko? Hanep ha! Ito ang magandang iregalo mo sa kanila ngayong Pasko! Ang katotohanan! Ang ganda nga ng ireregalo mo pero pareho mo naman sila niloloko! Tigil-tigilan mo ako at wag mo akong idamay dyan sa kalokohan mo!
* * *
Hi Alex,
May maipapayo ka ba na maireregalo ko na kakaiba? Yung wala pang nakakaisip na iregalo? Hihintayin ko po ang sagot mo Tito Alex!
Dondon ng Alabang
Hi Dondon,
Gusto mo ng regalong kakaiba? Yung hindi nila alam kung may regalo ka ba talaga o wala! Yung talagang hindi nila makakalimutan? Magregalo ka ng gift wrapper! Ibalot mo yung gift wrapper sa gift wrapper kung may time ka! Pero OK lang kung wag mo na ibalot. Kapag natanggap nila ang gift wrapper, malilito sila kung para saan yun! Tapos maiisip nila na gamitin yun para ipambalot sa ireregalo sa’yo! Smart di’ba?
* * *
Hi Alex,
Bakit nilalagyan ng ribbon ang mga regalo?
Bebeth ng Guadalupe
Hi Bebeth,
Karamihan sa mga regalo ay may ribbon. At napansin ko, baka ako lang, na lahat ng regalong may ribbon, madalas mura. Kaya nga nilagyan nila ng ribbon, para madistract ang pinagbigyan. Pagbukas ng pinagbigyan, malulungkot kasi mura lang ang regalo, pero matutuwa kapag nakita ang ribbon. Hindi papansinin ang niregalo, itatago ang ribbon. Habang lumalaki ang ribbon, ganun din kamura ang regalo.
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007