ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Madalas po akong kamain sa mga fastfood dito sa lugar namin. May isa akong fastfood na madalas kainan na madalas din maholdap. Sa isang taon, mga limang beses na itong nahoholdap. Bente kwatro oras kasi itong nakabukas. May security guard naman ang fastfood pero madalas pa rin itong maholdap. Bakit kaya madalas maholdap ang fastfood na ‘to?
Jhun ng Carmona
Hi Jhun,
Hindi ko alam kung saan ang fastfood na sinasabi mo pero malamang hindi yan sa commercial area. Delikado na talaga ang panahon ngayon, dala ng kahirapan kaya nakakagawa ng masama ang mga tao. Lalo na ngayon, magpapasko. At OO, hindi na advantage ngayon ang security guard kasi hindi na natatakot ang mga masasamang tao. Saka ang security guard ngayon sa mga fastfood, hindi na nagbabantay, wala na si pinto. Ang ginagawa ng security guard, nagseserve na rin ng order at minsan, naglilinis na rin ng pinagkainan!
* * *
Hi Alex,
Ang daming tao sa Divisoria. Balak san namin mamili ng mga pang-regalo para sa darating na Pasko. Nakakatakot kasi madaming mandurukot. Paano ba namin malalaman kung may mandurukot sa paligid para maiwasan?
Menchu ng Sta. Ana, Manila
Hi Menchu,
Mahirap yang tanong mo kasi ang mga mandurukot ngayon, maayos na rin manamit. Malalaman mo na may mandurukot sa tabi mo kapag may sumisiksik sa’yo para madukot ang wallet mo. Yung maiwasan ang mandurukot, mahirap yan, pero ang maiwasan ang madukutan, madali yan. Ang ipapayo ko pa nga sa’yo, makakahuli pa ng mandurukot. Lagyan mo ang bulsa mo ng mouse trap. Kapag may nandukot sa’yo, siguradong aaray kaya huli! Pwede rin na palitan mo ang mouse trap ng tae para makaganti ka sa mandurukot!
* * *
Hi Alex,
Madalas ako umagahin ng uwi at ang napapansin ko, kapag hatinggabi o madaling-araw na, madaming mga kotse ang hindi na pinapansin ang stoplight! Kahit red, hindi na humihinto. Kapag huminto ka at red ang ilaw, bubusinahan ka pa ng nasa likod mo na parang ikaw pa ang mali! Bakit ang daming mga pasaway sa gabi?
George ng Taguig
Hi George,
Kapag gabi kasi o madaling araw na, madaming mga Pinoy ang nagiging color-blind. Hayaan mo lang sila, kapag naaksidente sila, malalaman nila na pula ang kulay ng dugo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007