HINDI pa rin makausad-usad ang pelikulang “Darna.”
Ito nga at pagkatapos bumitaw sa proyekto ni Erik Matti, wala pa ring bagong developments sa proyekto.
Ayon sa pumalit kay Erik na si Jerrold Tarog, kahit raw siya ay wala pang update sa proyekto.
Ni hindi niya pa nga daw nakakaharap ang bibida rito na si Liza Soberano.
Ang gusto ni Tarrog ay baguhin ang script na trinabaho dati ni Erik.
“Andun ako sa stage ngayon na kailangan ko siya i-rewrite,” aniya sa ABS CBN News.
May magandang dahilan ang direktor para dito. Ito raw ay para mabigyang lalim at kabuluhan ang proyekto.
“Nagte-take off ako doon sa draft nila, so mula doon kailangan ko mag-research ng kaunti, so medyo may reset ng kaunti,” ani Jerrold.
Mabago man daw ang istorya, nilinaw ni Jerrold na si Liza pa rin ang gaganap na Darna sa pelikula.
“Kasi si Liza lang naman ang naka-lock talaga e. Okay naman ako doon wala namang problema,” sabi niya.
Looking forward nga daw si Jerrold na makilala ng personal si Liza.
“Naniwala si Direk Erik Matti kay Liza, so ‘yung faith niya, I’m sure worth it ‘yung faith na ‘yun. I’m looking forward to work with her,” sabi niya.
Kung may babaguhin man daw siya sa character ni Liza ito ay ang costume na susuutin nito bilang Darna.
“May mga gagawin pa kami na additional for the costumes, mas praktikal,” aniya.
Inamin niya na may nagawa ng disenyo ang team ni Erik pero “medyo iba ‘yung gusto kong direksyon.”
“Kung iku-kumpara lang sa dating costume, may iba lang akong gagawin,” diin pa ni Jerrold.
Dahil nga sa hindi pa napapalantsa ang mga plano ni Jerrold, hindi pa masisimulan ang shooting ng pelikula.
Aniya, “’Pag natapos ko na, doon ko pa lang malalaman kung kailan namin masisimulan.”
Oh well, ano pa nga ba? (DELIA CUARESMA)