PINAGUUSAPAN daw ang isang aktres ng mga taong nakapaligid sa kanya sa workplace nito ayon sa source. Grabe raw kung umasta ito feeling sikat na sikat na parang hindi makabasag pinggan.
Kinayayamot daw ng mga nakakatrabaho ang ganyang attitude ng aktres. Kumbaga nanlelevel daw aktres sa mga nakakatrabaho niya. Nagtataka raw ang source kung bakit ‘yung iba naman na mga artista na beterana, may mga akting awards, magagaling at sobrang tagal na sa showbiz hindi naman daw ganoon umasta.
Paimportante raw ang drama ng aktres sa tuwing makikita ito. Sana raw kung anuman ang narating niya sa showbiz maging thankful na lang siya at marunong makibagay at makisama sa mga taong nakakatrabaho niya. Actually, maraming ganyan sa showbiz baka naman walang nagsasabi o nagpapaalala sa kanya sa kanyang inaasal.
Magaling umarte ang aktres kaya’t hindi siya nababakante sa mga teleserye. Nagkaroon siya ng teleserye na ang tema ay pakikiapid na usung-uso at gustung-gusto ng mga avid televiewers.
Matagal na rin ang aktres sa network na kanyang pinaglilingkuran na marami ng teleserye na pinagbibidahan niya. Patunay lang na sobrang loyal ito – dahil parang walang naibalita na nagbalak itong lumipat sa kabilang network hindi kagaya ng ibang mga celebrities na nagaalsa balutan papunta sa rival network. (DANTE A. LAGANA)