ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Madalas po ako mag-travel here and abroad. Minsan domestic flight, minsan international. At OO, lagi akong nakaka-experience ng delayed na flight, hindi ko na sasabihin ang airlines para naman hindi sila mapahiya (Cebu Pacific at PAL). Naiintindihan ko kapag dahil sa air traffic or dahil hindi agad makalipad dahil nakapila. Ang hindi ko lang ma-gets, once na lumipad eh bakit hindi na lang nila bilisan ang andar para makahabol sila sa oras. Pwede po ba nilang gawin yun, Tito Alex?
Ysabel ng Makati City
Hi Ysabel,
Pwede naman nilang gawin yun kasi wala namang humps o traffic light sa himpapawid! Yan din nga ang suggestion ko sa mga piloto kasi kung papasok ka sa cockpit, delayed na nga sila eh hindi pa sila nagmamadali! Nagkwekwentuhan pa! Dapat kapag delayed, tapak na sila sa gas at bilisan nila ang lipad! Wala namang speed limit sa langit! Kapag may nakaharang na eroplano, overtake! Overtake sa kanan o kaliwa, pwede rin overtake sa ilalim o sa itaas! Hayaan mo at sasabihin natin yan sa mga airline na madalas ma-delayed (hindi kayo yun PAL at Cebu Pacific ha!)
* * *
Hi Alex,
Lagi akong puyat. Kahit maaga akong mahiga, madaling araw na ako kung makatulog! Kinakabahan tuloy ako dahil madaming nagsasabi na masama daw ang magpuyat! Masama sa kalusugan, masama sa skin, masama sa emotionally and mentally! Masama ba talaga ang magpuyat?
Conrado ng Cavite City
Hi Conrado,
Hindi masama ang magpuyat kung paminsan-minsan. Pero kung araw-araw, masama! Ang problema sa’yo kaya hindi ka nakakatulog lalo eh dahil kinakabahan ka na! Ganito ang isipin mo para hindi ka kabahan! Bilog ang mundo at sa kabilang mundo, umaga sa kanila! Ibig sabihin, gising sila! At kung gising sila, puyat din sila pero hindi lang nila alam dahil umaga sa kanila! Laging may puyat sa buong mundo! Ang mahalaga nakakatulog ka! At nakakagising! Dahil ang iba, sa sobrang himbing ng tulog, hindi na gumigising!
* * *
Hi Alex,
Sino ang mas matindi, langgam o ipis?
Dino ng Singalong
Hi Dino,
Langgam ang mas matindi! Ang ipis kapag namatay, linalanggam! Ang langgam kapag namatay, hindi iniipis!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007