ANG haba ng pila nang dumating kami sa UP Film Cine Adarna para sa uncensored screening ng “Born Beautiful.” Karamihan, gays ang nanood at puno ang loob ng sinehan.
Bago ang screening, nakausap namin ang tatlong lead stars na sina Martin del Rosario, Akihiro Blanco at Kiko Matos. Anila, excited sila dahil first time nilang mapapanood ang uncut version ng “Born Beautiful.”
Parehong may kissing scenes at love scenes si Martin kina Akihiro at Kiko na anila, kinabahan sila. Pero bigay-todo sila na anila, hindi madi-disappoint ang moviegoers. Directed by Perci Intalan at produced ng Cignal Entertainment, Octobertrain Films at The Idea First Company.
Spotted sa uncensored screening ng “Born Beautiful” ang GMA executives na sina Ms. Lilybeth Rasonable at Joey Abacan, Direk Joel Lamangan, veteran actor Tony Mabesa, Ice Seguerra, Liza Dino, Paolo Ballesteros at iba pang personalidad.
LAUGH TRIP
Rated R-18 ng MTRCB ang “Born Beautiful” na ayon kay Direk Perci Intalan, nag-apply sila para makakuha ng R-16 rating, pero hindi naaprubahan. May mga eksenang pinutol at pina-bleep ang ilang lines kahit karamihan ng eksena’y comical situations.
‘Kaaliw ang pelikula na magkahalong romcom, drama at may aksiyun-aksiyunan din. Laugh trip at pangtanggal ng stress ang “Born Beautiful.”
Ang ganda-ganda ni Martin del Rosario na gumanap bilang Barbs. Mukha siyang pinabatang Dawn Zulueta. Kering-carry niya ang gay role sa pagsasalita, pagkilos at pananamit. Iisipin mong girl na girl siya talaga. Kaya naman, na-in love sa karakter niya sina Kiko Matos (as Greg) at Akihiro Blanco (as Michaelangelo). Pinag-aagawan nila si Barbs.
Passionate ang kissing scenes ni Martin kina Kiko at Akihiro. May halong comedy naman ang love scenes nila. Sa tricycle with Kiko dahil tricycle driver siya at sa taxi dahil taxi driver si Akihiro.
Ang daming kuwelang eksena pati mga linyang bini-binitiwan ng buong cast. Maraming beses nagpalakpakan ang audience. Tampok din sina Lou Veloso, Joey Paras , Chai Fonacier, VJ Mendoza, Gio Gahol, Flora Espano at may special participation si Paolo Ballesteros. Showing on Jan. 23 sa mga sinehan nationwide.