ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Buntis ang aso kong Labrador at malapit na itong manganak! Excited na ang lahat sa bahay namin dahil magkakatuta na kami! Ang pinaka-excited sa lahat eh ang mister ko! Matagal na niyang gustong magkatuta kami! Lagi niya akong kinukukulit kung nanganganak na ang Labrador namin. Lagi niyang pinagmamayabang sa opisina nila na magkakatuta na kami. By the way, wala pa po kaming anak kaya naisip ko tuloy na baka sabik na sa anak ang mister ko. Gusto na kayang magka-anak kami ng ng mister ko kaya tuwang-tuwa siya na magkakatuta na kami?
Vanessa ng Caloocan City
Hi Vanessa,
May posibilidad na sabik na magka-anak ang mister mo kaya labis ang tuwa niya na magkakatuta na kayo! Ang magkatuta kasi eh parang magkakaroon ka na rin ng anak. Sabihin mo na lang sa mister mo na pagka-nagkatuta na kayo, sunod naman eh sana, magka-anak naman kayo. Pero habang wala pa kayong anak, focus muna kayo sa mga tuta ng Labrador niyo! Sarap magkatuta sa bahay, nakakarelax!
* * *
Hi Alex,
Sinubukan ko po na magpatubo ng bigote pero ang nagtataka ako, wala man lang pumuna o pumuri sa akin. Wala man lang nagsabi na kaibigan ko na bagay so akin ang may bigote o kaya mas naging macho ako ng may bigote. Inahit ko tuloy agad. Nang inahit ko, wala man lang nagtanong sa akin kung bakit ko inahit o may nagsabi na mas ok na wala akong bigote! Ano kaya ang ibig sabihin nito?
Inigo ng Quezon City
Hi Inigo,
Bakit ba lahat ng ginagawa mo gusto mo may pumapansin? May sasabihin ako sa’yo. Kaya walang nakapuna ng nagkabigote ka o nag-ahit ka ng bigote kasi walang naging epekto sa itsura mo. Pwedeng hindi ka din pansinin! Ibig sabihin, may bigote o wala, wala kang dating! Subukan mong mag-ahit ng kilay baka may makapansin na sa’yo!
* * *
Hi Alex,
Bakit may mga ibang bahay bawal ipasok ang tsinelas o sapatos, kailangan hubarin sa labas?
Lanie ng Malolos
Hi Lanie,
Kanya-kanyang trip yan! Bahay nila yun kaya sumunod ka na lang! Mas mahirap kung yung tsinelas o sapatos ang pinapasok sa bahay at ikaw ang maiiwan sa labas!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007