ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Matagal na kami ng girlfriend ko at madalas may mangyari sa amin. Halos araw-araw may nangyayari sa amin. Malamang may mangyayari na naman sa amin ngayong Valentine’s Day. Pero ang problema, nagsabi siya sa akin na baka buntis siya. Ano ang gagawin ko?
Miguel ng Pasay City
Hi Miguel,
Bakit hindi ka sumulat sa akin bago pa lang may mangyari sa inyo? Ngayong buntis na saka mo ako idadamay! Bakit, kasama niyo ba ako ng may nangyayari sa inyo? Sa sarap kayo lang, sa hirap, isasama niyo ako! Bahala ka sa buhay mo! Pero Happy Valentine’s Day pa rin sa inyo! Congrats Daddy!
Hi Alex,
Malapit na mag-summer at ramdam ko na umiinit na. Gusto ko magpalagay ng aircon sa bahay. Ano kaya ang mga dapat kong isipin bago ako maglagay ng aircon? Ilang horsepower? Ano ang size ng bahay ko? Anong magandang brand? Ano ang budget ko? Sana matulungan mo ako Tito Alex!
Cherry ng Felix Huertas, Manila
Hi Cherry,
Bukod sa mga sinabi mo, madami ka pang dapat isipin! May pambili ka ba ng aircon? Cash ba ang ibabayad mo or credit card? Handa ka na bang magbayad ng mas mataas ng kuryente? Handa ka na bang tambayan ng mga kaibigan at kamag-anak mo na gustong magpalamig? Kapag wala ka namang problema sa mga tinanong ko, sige, go ahead!
Hi Alex,
Mahilig ako manuod ng NBA at fan ako ng Los Angeles Lakers. Mahilig ka bang manuod ng basketball Tito Alex? Kasi nang nakaraang linggo, halos i-trade ng Lakers ang lahat ng mga players nila kapalit ng isang player mula sa Pelicans, si Anthony Davis. Nakakainis kasi ang pakiramdam ko, si Lebron James ang may pakana nito! Magkaibigan kasi sila ni Davis at iisa pa ang manager. Nagalit talaga ako kay Lebron! Gusto ko na tuloy magpalit ng team! Dapat ba akong mainis kay Lebron?
Milo ng Makati City
Hi Milo,
Kahit mainis ka kay Lebron, magpalit ka man ng team, walang pakialam si Lebron sa’yo! Bakit, kasi hindi ka niya kilala! Mayaman pa rin siya kahit isumpa o murahin mo siya araw-araw! Oo nanunuod ako ng basketball, PBA o NBA man pero chill lang ako! Wag kang magpapadala sa emosyon, hindi ka naman nila kilala!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007