ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Mahirap lang po kami at nakatira kami sa Tondo. Swerte po at nakapag-abroad po ang tatay ko. Nasa Saudi po siya at limang taon na nagtratrabaho dun. Nag-birthday po ako at ang regalo ng tatay ko ay mamahaling kwintas. Saudi gold po at makapal siya, at mukhang mahal talaga. Sobrang saya ko po sa regalong binigay ng tatay ko. Ang tanong ko po ay kung kelan ko dapat isuot ang kwintas, kapag may okasyon lang o kahit araw-araw?
Manolo ng Tondo
Hi Manolo,
Swerte mo at OFW ang tatay mo kaya medyo maganda na ang buhay niyo. Swerte mo rin at pinadlhan ka ng kwintas. Ang sagot ko sa tanong mo! Wag mong susuotin! Taga-tondo ka, kapag sinuot mo yan, mainit sa mata yan! Baka mitsa pa ng buhay mo yan! Kapag na-snatch yan sa leeg mo, hindi mapuputol yan pero ang leeg mo, malamang putol! Itago mo, kapag umuwi ang tatay mo at nagipit kayo, isangla mo para makatulong sa tatay mo! Mahirap ang trabaho ng mga OFW! Magsumikap ka para mapauwi na ang tatay mo dito!
* * *
Hi Alex,
Madalas ako magpunta sa dentista dahil pinapaayos ko ang ngipin. Pinalagyan ko ng braces kaya halos linggo-linggo nasa dentista ako. Ang nakakainis lang, kapag naupo na ako sa dentist chair at pinabuka na ng dentista ang bibig ko, dun niya ako kakausapin! Ang hirap magsalita habang nakabuka ang bibig at may nakasaksak sa bibig mo! Bakit ganun ang mga dentista?
Aeisha ng Makati
Hi Aeisha,
Sadista kasi ang mga dentista! Gusto nila pahirapan ka! Ang daming oras para kausapin ka, itataon niya pa habang nakabuka ang bibig mo! Pero ang nakakabilib sa mga dentist, naiintindihan nila ang sinasabi mo! Amazing di’ba!
* * *
Hi Alex,
Totoo po bang an apple a day, keeps the doctor away?
Doris ng Pasay City
Hi Doris,
Totoo yan! Takot kasi ang mga doctor sa apple, parang aswang sa bawang at krus sa bampira! Kaya pag may apple ka, hindi ka lalapitan ng doctor! Kaya wala kang makikitang doctor sa grocery at palengke kasi madaming apple dun!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007