ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Mahilig po ako manuod ng sine dahil ng bata pa ako, madalas ako dalhin ng tatay ko sa mga sinehan. Libre siya dahil nagtratrabaho siya sa Regal Films. Ang madalas naming panuorin ng tatay ko eh mga tagalog comedy films tulad ng kay Tito Vic at Joey, Dolphy at Rene Requiestas. Pero ngayon, kapag nanunuod ako, madalas foreign films na dahil bihira na ang tagalog comedy films na pinapalabas sa sinehan. Nagtataka nga ako dahil bihira na ang mga tagalog films sa sinehan at kadalasan puro pelikulang banyaga. May mga alam ka bang comedy movies na ipapalabas sa mga susunod na linggo?
Berto ng Pasay City
Hi Berto,
Parehas tayo, mahilig din ako manuod ng sine at madalas manuod ng mga tagalog comedy films. Parehas din tayo ng mga paboritong comedians. Hindi niyo naitatanong eh comedian din ako at may mga pelikula ni Vhong Navarro ang kasama ako dahil ako ang writer at isa sa mga artista. Ang mga pelikula ni Vhong Navarro na kasama ako eh ang Mang Kepweng, Woke Up Like This at Unlilife. Director din ako sa Regal Films kung saan nagtratrabaho ang tatay mo. At ang sagot sa tanong mo kung may tagalog comedy movies ba na ipapalabas sa mga darating na linggo, swerte mo dahil ako ang director sa pelikulang Papa Pagi na ipapalabas sa March 20. Bida dito sina Teddy Corpuz, Donna Cariaga, Myrtle Sarrosa, Joey Marquez, Nonong Ballinan at marami pang iba. Panuorin niyo para dumami pa ang mga tagalong comedy films na ipapalabas dito sa bansa natin!
* * *
Hi Alex,
Mahilig po akong kumain pero hindi ko pa nasusubukan ang mga street food o mga pagkain kalye. Natatakot kasi ako na baka madumi at magkasakit ako. Saan po bang lugar meron mga street food o mga pagkaing kalye ang pwede kong puntahan para matikman ko?
Josie ng Makati City
Hi Josie,
Kaya nga masarap ang mga pagkaing kalye o street food dahil sa duming kasama nito. Kung mapapansin niya, dito man o sa ibang bansa, mas masarap kumain sa karenderya kesa sa mga restaurant. Punta ka sa Hongkong, Malaysia at Taiwan, ang sasarap ng mga pagkain na nasa kalye at hindi sa mamahaling restaurant. Punta ka sa Binondo o kaya kahit saang paresan tulad ng Pares Retiro. Pwede ka rin mag-abang ng mga nagtitinda ng bola-bola. Punta ka rin sa mga palengke! Wag matakot sa konting dumi, pampalakas ng katawan yan!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007