SAKSI ang TEMPO sa di matatawarang galing sa pag-awit ni Renz Fernando, tubong Tawi-Tawi na 2017 gold medal winner din ng WCOPA.
Napanood namin ang nakaraang concert nito na ginanap sa SM North Skydome.
Bago mag-concert, nakausap namin si Renz at aminado siyang medyo kabado siya.
“Siyempre kinakabahan kaunti pero more of excited tapos nandito mama ko manonood for the very first time kahit noon pa sa mga performance ko hindi siya nakakapunta kaya very special itong gabing ito. May mga Tausug akong friends na darating at ‘yung iba mismong straight from Tawi-Tawi darating para manood,” saad ni Renz.
Sa umpisa ng kanyang concert ay kinanta niya ang “Never Enough” ni Loren Allred kung saan sabay-sabay na naghiyawan at nagpalakpakan ang mga manonood.
Sa pagbirit ni Renz, puwede talaga siyang makipagsabayan kay Jed Madela na isa ring produkto ng WCOPA.
Kinanta rin niya sa concert ang kanyang pinanalong number sa WCOPA ang “I Who Have Nothing” na ikinamangha ng mga tao sa galing at husay ng boses ni Renz.
Kasama pa sa mga kinanta niya ay ang “I Dreamed a Dream,” “All I Ask of You,” “Bridge Over Troubled Water,” “Go the Distance,” “You Raise Me Up,” “You’ll Never Walk Alone,” “Ikaw ang Aking Pangarap,” at mga songs ng Tausug.
May isang production number si Renz na talagang kumurot sa puso ng karamihan dahil habang siya’y kumakanta may visual na ipinakita na mga pictures ng mga babies na premature na nakaventilator.
Present sa concert ni Renz ang supporter niyang si Dr. Enrique Ostrea Jr. ang may utak ng OstreaVent na game ding umawit nang gabing iyon.
Naging guests naman niya sa concert sina Cristian Nagano at Charmaine Barretto.
Nagpasalamat si Renz dahil sa success ng concert niya nakapagraise sila ng funds para makabili ng OstreaVent ventilator para sa mga premature babies.
Ang beneficiary ng concert ni Renz ay ang Breath of Life Foundation.