ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Kapag mahal na araw po eh maraming mga paniniwala. Kesyo dito raw sa panahon na ito pwede ka makakuha ng agimat. May iba naman naniniwala na dahil patay ang panginoon, naglipana ang mga masasamang elemento. Kayo po Tito Alex, ano pa po ang mga alam niyong kakaibang paniniwala o pamahiin kapag mahal na araw?
Vener ng Malolos, Bulacan
Hi Vener,
Ang natatandaan ko ng bata pa ako eh hindi na ako pinapaligo ng nanay ko kapag patay na ang panginoon. Bawal na rin mag-ingay sa bahay namin pag lumagpas ang alas-tres ng hapon kung saan naniniwala ang karamihan na ito ang oras ng kamatayan ni Kristo.
Saka natatandaan ko dati, walang palabas ang mga telebisyon at bihira na ang bukas na istasyon ng radio dahil nga bawal ang maingay. Pero yung mga pamahiin o paniniwalang yun ay hindi na nasusunod ngayon. Dahil sa cable channel at Netflix, tuloy ang palabas sa TV. Tuloy din ang kasiyahan sa mga resorts tulad ng Boracay kapag mahal na araw. Ngayon kapag mahal araw at nasa bahay ka, hindi ka in or wala kang pera! Dapat kapag mahal na araw, nasa beach ka or ibang bansa. At ang matindi, dahil sa nalalapit na eleksyon, tuloy pa rin ang tirahan ng mga kandidato!
* * *
Hi Alex,
Kalagitnaan na ng kampanya para sa darating na eleksyon. Marami akong mga nababasang iba’t-ibang slogan ng mga kumakandidato. Lahat ng slogan nila ay iisa ang gustong sabihin – ‘tapat sa serbisyo’, ‘mabuting tao’, ‘para sa mahirap’. Alam naman natin na karamihan dito eh hindi totoo. Kung ikaw ay kakandidato, ano ang mga posibleng gamitin mong slogan Tito Alex?
Hope ng Cainta
Hi Hope,
Kapag ako kumandidato, gagamit ako ng mga slogan na hindi magsisinungaling, direct to the point at walang paligoy-ligoy! Itong ang mga example ng gagamitin kong mga slogan:
– Madaling lapitan, mahirap hanapin!
– Mangungurakot pero konti lang!
– Mangungurakot pero magshi-share kasi I care!
– Walang pera ngayon dahil magkakapera pa lang!
– Magaling sa kampanya, kahit wala namang alam!
– Masipag pero hindi alam ang gagawin!
– Linalagnat ka pa lang, may kabaong ka na!
– Ambon pa lang, ready na ang evacuation centers!
– Hindi magsisinungaling pero hindi rin magsasabi ng totoo!
Ayos di’ba!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007