ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Pinipilit ako pumunta ng anak ko sa isang Easter Egg Hunting. Ito yung hahanapin mo ang itlog na tinago ng Easter Bunny. San ba nagsimula ito?
Mandy ng Makati City
Hi Mandy,
Hindi ko nga alam kung saan nagsimula ang kalokohan na yan! Biruin mo, Easter Bunny ang nagtatago ng itlog eh hindi naman nagingitlog ang bunny! Dapat Easter Chicken! Saka bakit ka maghahanap ng itlog eh meron naman sa grocery o kaya sa palengke! Saka, ano sa tingin mo ang mararamdaman ni Jesus Christ na pagkatapos niya ipako sa krus, nabuhay siya after 3 days, ang maaabutan niya eh mga taong naghahanap ng itlog! Kaya tayo hindi dinadalaw ng mga aliens eh!
* * *
Hi Alex,
Mahilig po ako kumain ng mani. Sa umaga, tanghali at gabi! Halos araw-araw kung kumain ako ng mani. Ang sarap kasi eh, hindi nakakasawa, hindi nakaka-umay! Maalat o hindi, ayos lang, hindi ko tatangihan! Pero may nagsabi sa akin na ang kapag kumakain ka raw palagi ng mani, magkaka-pimples ka! Totoo ba yun Tito Alex?
Carlos ng San Andres, Manila
Hi Carlos,
Bago kita sagutin, ano bang mani ang pinag-uusapan natin?
* * *
Hi Alex,
Ilang linggo na lang at eleksyon na, madaming mga kandidato sa lugar namin. Nahihirapan ako kung sino ang karapat-dapat iboto. Isama mo pa ang mga kandidato sa pagka-senador. Lahat kasi magagaling mangampanya, lahat ang daming pangako. Paano po ba malalaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at sino ang nambobola lang?
Miranda ng Taguig
Hi Miranda,
Napakahirap ng tanong mo. Kasi halos lahat ng mga kandidato, parang lalakeng nanliligaw sa’yo, napakabait, seryoso, maraming pangako at lahat gagawin para mapasagot ka! Hindi mo malalaman ang tunay na ugali hanggang hindi mo sinasagot! Kapag naging kayo na, saka lang lalabas ang tunay na ugali. Daanin mo na lang sa toss coin, tapos magdasal ka na tama ang resulta nito! Goodluck sa ating lahat sa darating na eleksyon!
* * *
Hi Alex,
Last week, matindi ang na-experience ko (hindi ko alam kung na-experience mo rin.) Sa lugar namin, sabay-sabay na nawala ang tubig, kuryente, internet at cellphone! Nakakainis talaga! Walang kuryente, walang tubig, walang internet, walang cellphone, ano kaya ang susunod na mawawala?
Evelyn ng Paranaque
Hi Evelyn,
Mawawalan ka ng lovelife!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007