ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Supporter po ako ng isang partido dito sa Pasay. Mainit po ang naging laban namin ng kabilang partido nitong nakaraang kampanya. Dahil sa sobrang init, may mga magkakaibigan ang nagkagalit-galit dahil sa sinusuportahang mga kandidato! Ang sabi ng kalaban naming kandidato, kapag natalo sila, nadaya! Ang sabi naman ng kandidato namin, kapag natalo kami, nadaya rin! Anong masasabi niyo dito Tito Alex?
Vener ng Pasay City
Hi Vener,
Ang masasabi ko lang ay ito – eh di wow!
* * *
Hi Alex,
Bilib ako sa kumakandidato dito sa lugar namin! Hindi ko na sasabihin ang lugar kasi malalaman niyo. Halos buong pamilya niya tumakbo na para hindi sila mapalitan sa puwesto! Tatlong termino lang kasi at hindi ka na pwedeng tumakbo. Pagkatapos ng tatlong termino, ang pinatakbo niya, asawa niya! Pagkatapos naman ng termino ng asawa niya, yung anak naman niya! Pagkatapos ng tatlong termino, yung isa naman niyang anak! Sobra-sobra na! Paano kaya matitigil ang ganitong kalakaran?
Everly (walang address)
Hi Everly,
Eh bakit binoboto niyo ng binoboto pa rin? Kasalanan niyo rin yan!
* * *
Hi Alex,
Dahil sa eleksyon, ang daming mga posters sa paligid! Sino ba dapat ang magtatanggal nito pagkatapos ng eleksyon, yung nanalo o yung natalong kandidato?
Dondon ng Marikina
Hi Dondon,
Ang magtatangal eh yung nanalo! Kawawa naman kung yung natalo pa ang magtatanggal! Natalo na nga, pagtatanggalin mo pa! Baka mamaya, habang nagtatanggal eh maiyak pa yan dahil sa laki ng ginastos niya na hindi na niya mababawi!
* * *
Hi Alex,
Ngayong patapos na ang eleksyon, ano ang unang gagawin ng mga kandidatong mananalo?
Jade ng Alabang
Hi Jade,
Ang unang gagawin ng mananalo eh ang magpahinga! Kasi nagpa-araw yan, nag-ikot habang mainit at naglakad para magkampanya! Ngayon ang gagawin niya, magbakasyon! May iba dyan, pupunta sa ibang bansa, ang iba, out-of-town. Ang ibang mga mananalo eh magcocompute na kung magkano ang nagastos nila at kung sino-sino ang mga babayaran nila. Baka tanungin mo kung tutuparin nila ang pangako nila, pray ka lang! Tapos magpapakita na ulit sila sa susunod na eleksyon kapag kailangan na naman nila ng boto!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007