ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Isa ng senador ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Madami na siyang nadalang karangalan sa bansa. Marami na siyang napatunayan. Maganda na rin ang kanyang estado sa buhay. Maganda na rin ang kabuhayan niya, may maayos na asawa at mga anak. Pero nabalitaan ko na lalaban ulit siya ng boksing sa darating na July. Hindi ba panahon na para magretiro si Manny Pacquiao at mag-enjoy sa buhay. Kung makakausap mo si Manny Pacquiao, anong sasabihin mo sa kanya para makumbinse siyang magretiro?
Madz ng Dipolog City
Hi Madz,
Kung makakausap ko si Manny Pacquiao, hihingi ako ng signed autograph ng boxing gloves niya at magpapapicture ako. Kasi dun sa desisyon niyang mag-boxing at hindi mag-retiro, buhay niyo yun! Malamang, madami ng kumausap sa kanya, mga malalapit sa kanya, at mga importanteng tao sa buhay niya. Sila nga eh hindi siya napigilan eh sino naman ako! Sino ba naman ako kumpara kay Mommy Dionisia! Si Mommy Dionisia niya nga hindi umubra eh may kasamang salamangka at magic na yun ha! Bahala na si Manny Pacquiao sa buhay niya, malaki na siya!
Hi Alex,
Kahit umuulan na eh may mga oras na mainit pa rin ang panahon! Ang sarap tuloy pumunta sa Baguio at magpalamig! Kung malayo eh pwede na siguro sa Tagaytay. May iba pa ba kayong maipapayo para labanan ang init ng panahon?
George ng Pasay City
Hi George,
Bukod sa malayo, traffic sa Baguio at ang daming tao. Saka baka matyempuhan ka ng malakas na ulan eh delikado ang byahe. Ganun din sa Tagaytay, traffic at halos dalawang oras na rin ang byahe. Minsan, hindi rin kalamigan ang Tagaytay. Gagastos ka pa ng malaki! Punta ka na lang sa mga mall! Window shopping! May mga ibang supermarket, may mga free taste ng pagkain! May mga mall na may mga upuan na kumportable na pwede kang matulog! Hanggang alas-10 ng gabi pa ang iba! Matipid na, malapit pa! Para hindi ka mahalata ng guard, ibang mall kada araw ang puntahan niyo! Ang daming SM, ang daming Ayala Malls! Papunta na nga ako ngayon!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007