ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Father’s Day kahapon at masama ang loob ko sa mga anak ko. Wala man lang nakaalalang bumati sa akin ni isa sa kanila. OO, hindi ako perpektong ama, marami akong pagkukulang sa kanila, inaamin ko. Iniwan ko sila kapalit ng ibang babae at hindi ako nagpadala ng sustento. Maraming mga birthdays nila ang hindi ako nakapunta, may mga Pasko na wala ako kasi kasama ko ang babae ko nun. Pero nagbago na ako, wala na akong babae ngayon at gusto ko na bumalik sa kanila. Sinusuyo ko ang asawa ko ngayon at sinusuyo ko rin mga anak ko. Bakit kaya sila ganun sa akin?
Dino ng Paranaque
Hi Dino,
WOW, nagtataka ka pa kung bakit ganun sila sa’yo! Hindi mo alam! Sa dami ng pagkukulang mo parang ikaw pa ang biktima! Talagang hindi ka nila babatiin dahil sa dami ng atraso mo! Kahit ako hindi kita babatiin ng Happy Father’s Day kasi hindi ka naman naging ama! Nakabuntis ka lang at nagka-anak pero hindi ka naging AMA! Matagal-tagal na suyuan yan lalo na sa mga anak mo! Magtiis ka muna! Pray ka na mapatawad ka nila, yan ang problemahin mo hindi yang batiin ka nila!
* * *
Hi Alex,
Dati po akong may trabaho pero ngayon ay wala na. Umalis kasi ako sa dati kong trabaho kasi nakakapagod. Ayaw ko ng masyadong napapagod sa trabaho. Pero hindi yan ang dahilan ko kung bakit ako sumulat sa’yo. May tanong kasi ako, bakit may mga kumpanyang, kapag ang a-kinse o a-trenta ay tumapat sa Lunes, hindi sila nagpapasweldo sa Lunes. Ginagawa nila itong Biyernes o kaya Martes. Ano ang dahilan nila?
Sendong ng Pasay City
Hi Sendong,
May mga kumpanyang hindi nagpapasweldo sa Lunes kasi malas daw ito. Ayaw nilang maglabas ng pera sa simula ng Linggo dahil lahat ng magiging pera, puro palabas. Naniniwala din sila sa pamahiin. Kaya walang 13th floor o kaya walang number 4 sa building o elevator kasi naniniwala sila sa malas at swerte. Pero bukod sa pagsagot sa tanong mo, gusto ko rin punahin ang sinabi mong kaya ka walang trabaho eh dahil ayaw mong mapagod! Sorry ha, pero goodluck sa’yo sa paghahanap ng trabahong hindi nakakapagod!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007