ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Tumitingin ako sa mga lumang pictures ko at may mga napansin ako. May mga damit akong sinuot ng binata pa ako na hindi ko alam bakit ko sinuot! Mga maluluwag na shirt, malalaking pants! At eto pa, may mga style ako ng buhok na hindi ko alam bakit pumayag ako. Lalo na yung nauso yung may hati sa gitna na buhok tulad ni Keempee de Leon! Bakit kaya ginawa ko yung mga bagay na yun?
Anthony ng Paranaque
Hi Anthony,
Ganun talaga, may mga bagay ka ng kabataan mo ang hindi mo alam kung bakit mo ginawa. Sa mga damit o buhok, wag kang magtaka kasi uso naman yun ng panahon na ginagawa mo yun. Maganda tignan yun noon at sa mata mo, bagay sa’yo. Yun ay kung ang pinag-uusapan natin ay mga kagamitan tulad ng damit, sapatos, mga pamorma or mga style ng buhok. Pero ang hindi ko maipapaliwanag eh yung pagdating sa mga ex-syota! Yung kapag nakita mo ang picture ng mga ex mo eh nagtataka ka bakit mo pinatulan. Sa mga nagbabasa nito alam ko naranasan niyo ito! Yung dati, patay na patay ka sa ex mo, pero ngayon, kapag nakita mo, hindi mo maisip kung bakit minahal mo o kaya bakit nakipaghalikan ka! Kapag tinanong ka – “ex mo ba ito?” Ang isasagot mo – “OO pero bata pa kasi ako niyan kaya hindi ko alam ang mga ginagawa ko!” Ayan ang mahirap ipaliwanag!
* * *
Hi Alex,
Ang higpit po ng tatay ko at hindi ko na matagalan ang pagiging mahigpit niya! Gusto ko na po lumayas ng bahay pero ayaw ko naman po na magalit sa akin ang tatay ko kapag naglayas ako. Ano po ang gagawin ko?
Benson ng Makati
Hi Benson,
Kung gusto mo, bago ka maglayas ng bahay, maghugas ka muna ng plato o maglinis ng bahay, para maganda ang huling alaala sa’yo ng tatay mo. Kapag nalaman niya na naglinis ka ng bahay bago ka lumayas, matutuwa sa’yo yun! Kung ayaw mo, pwede ka naman magpaalam ng maayos. Magsabi ka sa tatay mo na maglalayas ka. Pero dahil nga mahigpit ang tatay mo, kapag nagpaalam ka na maglalayas ka, malamang, palayasin ka nun! Eh di solve na ang problema mo sa paglalayas!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007