ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Bakit kapag wala kang ginagawa, nakakatamad pero kapag may ginagawa ka naman, nakakatamad pa rin?
Zia ng Sta. Mesa
Hi Zia,
Gusto ko sanang sagutin nang mahaba ang tanong mo pero may ginagawa pa ako kaya nakakatamad! Hayaan mo, kapag wala akong ginagawa, sasagutin ko ito nang mahaba! Abang-abang ka lang kapag hindi na ako tinatamad!
* * *
Hi Alex,
Mahilig akong magbasa ng libro sa puntong buong araw at buong magdamag na ako nagbabasa. Kaya naman madalas akong mapagalitan ng aking mga magulang. Eh pero ginagawa ko lang naman yung madalas nilang sabihin na “study first”. Ano ba ang dapat kong gawin?
Angeline ng Paco
Hi Angeline,
Kaya sila nagagalit eh baka naman nasosobrahan ka na sa pagbabasa. Oo, “study first” pero baka hindi ka na kumakain o kaya lagi kang napupuyat. Para hindi magalit sa’yo mga magulang mo, pagsabayin mo. Magbasa ka habang nagwawalis, magbasa ka habang kumakain, magbasa ka habang naliligo, magbasa ka habang natutulog! Wag ka lang magbasa habang tumatawid, baka ang mangyari sa’yo, “die first”!
* * *
Hi Alex,
Madalas ako magpapicture sa mga artista at ang napapansin ko, kapag magpapapicture ako, naghahang ang cellphone ko o kaya nalolow-bat! Minsan naman, blurred o kaya de-focus! Bakit kaya ganito ang cellphone ko?
Martin ng Divisoria
Hi Martin,
Baka mahiyain ang cellphone mo sa mga artista. Baka naii-starstruck! Dapat ang cellphone na binibili mo, pabibo! Yung Vivo Cellphone (attention Vivo, libreng plugging!) O kaya yung cellphone na masunurin, yung Oppo! Lahat ng inuutos mo, sumusunod, Oppo lang ng Oppo (attention Oppo, libreng plugging ulit)! Mamili ka sa dalawang yan! Unless mag-message sa akin ang Cherry Mobile, yun ang ipalit mo! (attention Cherry Mobile, libreng plugging rin kayo).
* * *
Hi Alex,
Totoo bang magkakasubway na sa Metro Manila. Ito yung train na nasa ilalim ng lupa? Nagsisimula na ba? Kailan na ito matatapos?
Thor ng Makati
Hi Thor,
Totoong magkaka-subway na sa Metro Manila pero relax ka lang dahil matagal pa bago matapos ito. Pero dahil sa bumabaha lagi sa Metro Manila, kakaibang train ang gagamitin sa subway natin. Submarine na rin siya! Para kapag bumaha, makakatakbo sa ilalim ng tubig!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007