ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
May kaibigan ako na ang pangarap ay pumayat kaya ang kinakain niya lang puro gulay. Hindi siya kumakain ng baboy, baka o isda. Hindi rin siya kumakain ng kanin at mga dairy products tulad ng itlog at gatas. Nabalitaan ko na naospital siya dahil nanghina ang katawan niya at nagkasakit siya. Nang dumalaw ako sa ospital ay ang payat-payat na niya. Ano po kaya ang dahilan kung bakit siya nagkasakit?
Samantha ng Makati
Hi Samantha,
Malamang humina ang resistensiya ng katawan niya kaya siya nagkasakit. Humina kasi marami siyang mga pagkain na hindi na kinakain! Mahirap din ang umiwas sa ibang pagkain dahil nawawala ang mga sustansiya na binibigay nito sa katawan ng tao. Pero ang maganda dito eh dahil sa nagkasakit siya, natupad ang pangarap niyang pumayat! At least ang payat-payat na niya ngayon!
* * *
Hi Alex,
Ang daming maysakit sa school ng anak ko. Lahat halos may sipon at ubo. Natatakot tuloy ako baka mahawa ang anak ko. Hindi ko maintindihan kung bakit pinapapasok pa ng mga magulang nila ang mga anak nila na may ubo at sipon! Ano ba ang gagawin ko para hindi mahawa sa ubo at sipon ang anak ko?
Dahlia ng Marikina
Hi Dahlia,
Kahit walang ubo at sipon ang anak mo, siya na lang ang wag mong papasukin sa school. Baliktad na ang mangyayari, kung sino ang malusog at walang sakit, siya ang absent, kung sino ang may ubo at sipon, siya ang nasa school! Nakakalito di’ba!
* * *
Hi Alex,
Dati ay ayaw ng mister ko na madilim ang tint ng kotse namin. Pero nagulat na lang ako ng bigla siyang umuwi dala ng kotse namin at madilim na ang tint. Ang dahilan niya eh para hindi raw makita kung sino ang mga tao sa loob. Minsan kasi ay nagdra-drive ako sakay ang anak ko. Baka raw makita ng carnapper na babae ang nagdra-drive at bata lang ang kasama. Mas maganda ba na madilim ang tint ng kotse?
Mira ng Banawe, Quezon City
Hi Mira,
Maganda kung yun talaga ang dahilan ng mister mo. Concern lang siya sa safety niyo. Ang hindi ko lang alam eh kung siya ang nagdra-drive. Kapag madilim kasi ang tint eh pwede kang gumawa ng kung ano-ano sa loob. Hindi ko sinasabi na may chicks ang mister mo ha! Wala akong sinasabi na may chicks ha! Baka isipin mo may sinasabi akong may chicks!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007