ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Madalas akong makakita ng holdapan sa lugar namin. Sa dyaryo, balita at pati sa social media, ang dami rin holdapan na nakikita ako. Minsan nga, hindi lang hinoholdap, pinapatay pa! Nakakatakot na tuloy lumabas dahil baka mabiktima ako! Ano ba ang dapat gawin ng gobyerno para mawala o mabawasan ang mga holdapan?
Divine ng Malabon
Hi Divine,
Kahirapan ang madalas na dahilan kaya madami ang nagaganap na holdapan. Yan ang dapat tutukan ng gobyerno. Pero may mga nanghoholdap para matustusan ang bisyo. May suggestion ako. Yung mga holdaper na makakabasa nito, para sa inyo ito. Kung hindi kayo mapipigilan sa panghoholdap, may naisip ako para tuloy pa rin ang panghoholdap niyo pero makakatulong pa kayo. At ang importante, hindi kayo mahuhuli! Ganito gawin niyo kayong mga holdaper! Mag-abang kayo ng kapwa holdaper na may hinoholdap. Pagkatapos niya mangholdap, siya naman ang holdapin mo! Hindi siya makakapalag, hindi rin siya makakapagsumbong sa pulis dahil holdaper din siya. At ang maganda dun, ang binibiktima mo, kapwa holdaper mo rin! Kayo kaya lang ang napeperwisyo!
* * *
Hi Alex,
Madaming nagpapakalbo sa Pilipinas. Ang nakakapagtaka, may mga kalbo na hindi na tinutubuan ng buhok at makintab pa ang anit. Paano ba pinapakintab ang anit?
Salvacion ng Alabang
Hi Salvacion,
Madaming kalbo na makikintab ang ulo tulad ni The Rock. Hindi ako sigurado pero malamang kaya kumikintab dahil pinapashine nila gamit ang pampakintab sa sapatos. Pero bago ka magpakalbo, check mo muna korte ng ulo mo. May binabagayan ang kalbo. May mga hugis ng ulo na pangit, magmumukha kang alien kapag nagpakalbo ka. Saka dapat wala kang poknat at uka-ukang ulo, magmumukha kang daan na maraming lubak. Iwasan mo ang turtle neck kapag kalbo ka, magmumukha kang pagong o kaya roll-on deodorant!
* * *
Hi Alex,
Gusto kong nakakakita ng mga diver sa swimming pool. Kaya lagi akong nanunuod ng diving competition. Yung pagtalon sa mataas na diving board tapos pagbagsak sa swimming pool, ang linis at una ang ulo. Paano ba ako matututong mag-diving?
Terry ng Makati
Hi Terry,
Kailangan malakas ang loob mo at handa kang masaktan! Dahil habang nag-aaral ka, mararanasan mong mag-dive pero hindi una ang ulo. Minsan dibdib at tyan mo ang unang tatama! Daig mo pa ang tumama sa pader at tinadyakan ng kabayo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007