ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Mahilig po ako sa isda at madalas ko itong kainin. Kaya lang naiinis ako kasi maraming tinik. Ilang beses na rin ako natinik! Imbes na makakain ako ng marami eh nagiging mabagal ang kain ko dahil sa mga tinik! Sana wala na lang tinik ang mga isda! Kung meron ng seedless na prutas, paano ba ang gagawin para maging boneless ang mga isda?
Juniper ng Navotas
Hi Juniper,
May mga isda naman na ginagawang boneless tulad ng boneless bangus at salmon. Wag mo naman panalangin na maging boneless o mawalan ng tinik ang mga isda! Ikaw kaya, tanggalan ng skeleton, anong mararamdaman mo! Kumain ka na lang ng sardinas o tuna sa lata dahil masyado kang mareklamo!
Hi Alex,
May bago po kaming sasakayan. Actually, pangalawang kotse na namin. Ang problema, sa tapat ng kalsada lang kami nagpapark. Madalas kapag nagigising kami sa umaga, may gasgas na yung mga kotse. Madami kasing tricycle at sasakyan ang dumadaan sa tapat namin. Ano bang mas magandang gawin para mahuli namin ang mga nakakasagi sa sasakayan namin. Maglagay ba kami ng CCTV or kumuha ng magbabantay?
Clancy ng Makati
Hi Clancy,
WOW, nakakaawa naman kayo. Laging nagagasgas ang mga sasakyan niyo na nakaparada sa kalsada! Hiyang-hiya naman kami! Bago niyo isipin ang gumastos sa pagbili ng CCTV o sa pagbayad sa magbabantay, dapat gumastos muna kayo sa sariling garahe! Malamang busy street yan kaya maraming dumadaan! Anong gagawin nila, dumaan sa ibang lugar! Baka naman gusto mong lagyan ng gate yung daan para walang makadaan! Teka nga, san ba kayo nakatira para ako mismo ang gagasgas dyan sa mga sasakyan niyo! Dalawa pa ha!
Hi Alex,
Na-snatch po yung cellphone ko kagabi at nakita ko kung saan nagpunta ang snatcher. Namumukhaan ko siya at nakita kong pumasok sa eskinita. Balak ko sanang puntahan ngayong araw para kunin ko ang cellphone ko. Tama po ba ang gagawin ko?
Ardo ng Tondo
Hi Ardo,
Sige, gawin mo. Sigurado naman na pag nagpunta ka dun, ibabalik niya sa’yo ang cellphone mo. Malamang papasukin ka pa sa bahay nila at pakainin! Goodluck sa’yo!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007