ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Nahihilig ako sa basketball ngayon pero medyo matanda na ako. Fifty years old na ako at madalas makalaro ko mga bata. Mga teenager at mga nasa early twenties na mga players. Masaya naman sila kalaro kaya lang may napapansin ako, kapag nagpapahinga ako at pinapanuod ko sila, mabibilis ang laro nila saka talagang intense. Kapag pumasok na ako, parang bumabagal at nagiging friendly game lang ang ang laro. Ano kaya ang ibig sabihin nito?
Monroe ng Mandaluyong
Hi Monroe,
Hindi ba obvious? Kasi nga matanda ka. Kapag wala ka, nagagawa nila ang laro nila. Kapag pumasok ka, nag-aadjust sila sa’yo. Bumabagal kasi baka hindi ka makahabol o kaya mapagod ka. Talasan mo ang tenga mo. Malamang mga nag-uusap ang mga yan. Ganito ang mga pinag-uusapan niyan mga yan – ‘Andyan na si Mang Monroe, dahan-dahan lang’’Wag niyo bilisan, baka hingalin’ ‘Wag niyong supalpalin, baka ma-stroke’. Matuwa ka na lang dahil mababait ang mga kalaban mong kabataan. Makipaglaro ka kasi sa mga kasing-edad mo para ikaw naman ang pinakamabilis!
Hi Alex,
Isa akong working mom at araw-araw akong bumabyahe papuntang opisina sakay ng pampasaherong bus! Sobrang traffic sa EDSA! Halos araw-araw akong natra-traffic. Inaabot ako ng tatlong oras papuntang office at tatlong oras pabalik! Pagdating ko pa sa bahay sa gabi, maglalaba pa ako, magpla-plantsa at magluluto ng pagkain para sa kinabukasan! Mukhang wala namang solusyon na naiisip ang gobyerno sa traffic kaya malamang, matagal ko pang mararanasan ito. Ang tanong ko lang, ano ba ang pwedeng gawin habang traffic para malibang ako at hindi masayang ang oras ko?
Glenda ng Malabon
Hi Glenda,
Ganito ang gawin mo Glenda. Kapag papasok ka sa opisina, dalhin mo lahat ang lalabhan mo at lulutuin mo. Habang papunta ka sa opisina, maglaba ka. Isampay mo sa mga upuan, sa bintana at sa estribo ang mga linabhan mo. Sa sobrang traffic, pagbaba mo, tuyo na ang mga yon! Pag-uwi mo naman sa opisina, yang mga nilabhan mo, plantsahin mo naman habang nasa bus ka! Pagkatapos mo magplantsa, maghiwa ka na ng mga sahog na lulutuin mo para pagdating mo sa bahay, lulutuin mo na lang! Utakan lang yan!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007