ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Pinauso ni Michael Jordan ang mahabang shorts ng 90’s at hindi na nawala yun sa NBA maging sa PBA. Pero napapansin ko ngayon na bumabalik na ang maigsing shorts. Hindi naman siya kasing iksi ng shorts sa 80’s pero maiksi na kumpara sa shorts na mahaba ni Jordan. May epekto ba sa paglalaro ang mahabang shorts at maiksing shorts?
Norman ng Parañaque
Hi Norman,
Walang epekto! Kapag magaling ka, magaling ka talaga. Kapag hindi ka magaling, kahit ano pang suotin mo, walang mangyayari!
Hi Alex,
Madalas akong manuod ng TV at ang napapansin ko lang, kapag nanunuod ako ng O Shopping, napupuyat ako sa kakapanuod. Sa simula nanunuod lang ako at hindi naman ako bumibili. Pero ngayon, habang nanunuod eh bumibili na agad ako ng binibenta nila. Yung iba, totoong worth it, yung iba, hindi ko nagustuhan. Pero kahit anong gawin ko eh talagang adik na ako sa panunuod ng O Shopping! Ano ba ang gagawin ko para matigil na itong pagka-adik ko sa O Shopping?
Apple ng San Juan
Hi Apple,
Wag kang mag-alala, titigil ka ng kusa. Kapag nawalan ka ng trabaho o naubusan ka ng pera o magkasakit ka dahil sa kakapuyat mo! Ang O Shopping eh ang mobile legend ng telebisyon!
Hi Alex,
Nakakinis kapag traffic dahil ang daming mga makukulit sa daan. Mga vendors na kung ano-ano ang tinitinda na kakatukin ka pa. Ganun din ang mga pulubi na may karga pang mga bata. Nakakainis din kapag nakakakita ka ng mga rugby boys at mga batang hamog. Pero ang nakakainis sa lahat eh yung mga naglilinis ng kotse. Yung babasain na lang ang windshield mo tapos sasabunin. OK lang sana kung lilinis talaga, ang problema eh lalong dumudumi dahil madumi yung tubig at pamunas! Ano ba ang gagawin ko sa mga naglilinis ng kotse sa daan kapag traffic?
Milo ng Mandaluyong
Hi Milo,
Wala na tayong magagawa sa mga taong yan. Ako rin naranasan ko yan sa EDSA, traffic din at may bigla na lang nagbuhos at nagsabon na bata! Nakakainis dahil wala naman akong kotse at naglalakad lang ako! Basang-basa ang mukha ko!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007