ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Ang daming mga Halloween party na nababasa ko sa FB. Nauso na rin ang trick or treat. Nang kabataan ko hindi naman uso yan. Saka, yung mga costumes, hindi lang manananggal o tikbalang, mukhang mamahalin pa. Nakakatakot talaga. Naiintindihan ko kung sa mga exclusive villages eh may mga trick or treat pero pati sa mga mahihirap na lugar, meron na rin na trick or treat! Bakit ba nauso ito?
Ursula ng San Juan
Hi Ursula,
Dahil sa social media yan. Nakikita na natin ang lahat ng nangyayari sa buong mundo kaya ginagaya na natin. Kaya kahit mahirap eh may mga trick or treat na. Malalaman mo nga na mahirap kasi walang suot na costume kungdi white t-shirt tapos may nameplate na nakasulat na ‘dracula’. Saka alam mo rin na mahirap kasi kapag kumatok sa pinto at imbes na sabihing ‘trick or treat, money or sweets, give us something good to eat’ ang sinasabi ‘kya, kya, share your blessings!’. Saka kung sa mayayaman, candy at chocolates ang binibigay, sa mga mahihirap, lutong ulam at rice! Hayaan na natin, walang basagan ng trip!
*
Hi Alex,
Nang nakaraang taon eh nagpunta kami sa semeteryo para dalawin ang mga namatay naming mahal sa buhay. Hindi namin makita ang puntod at inabot kami ng ilang oras bago namin nakita. Marami na kasing nadagdag na puntod kaya nalito kami. Ang dami pang tao kayo mas lalong nakakalito. Ngayong taon eh pupunta na naman kami, ano ba ang pwedeng gawin namin para hindi kami maligaw at mahanap kagad namin ang puntod ng mga mahal namin sa buhay?
Danilo ng Malabon
Hi Danilo,
Taon-taon yan talaga ang problema ng mga pumupunta sa sementeryo. Yung iba nga hindi na nakikita ang puntod eh. Ganito ang gawin niyo, para hi-tech, ilagay niya sa waze ang location ng puntod ng mahal niyo sa buhay. Para kapag naliligaw kayo, matutulungan kayo ng waze! Kung gusto niyo naman na manual, kulayan niyo ng neon orange ang puntod ng mahal niyo sa buhay! Para angat na angat at kita sa malayo. Kahit sa gabi, kitang-kita pa rin!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007