ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Alam kong may ginagawa ang ating gobyerno para mawala ang sobrang traffic sa Maynila. Kabi-kabila ang project na nakikita ko kaya alam kong balang-araw eh baka naman lumuwag na ang project. Pero habang matindi ang traffic na nararanasan ko araw-araw eh wala akong positibong makita na dulot nito! Ano ba ang dapat gawin para naman mapakinabangan natin ang traffic na ito?
Elenita ng Caloocan
Hi Elenita,
Dahil sa sulat mo eh napaisip ako ng magandang naidudulot ng traffic at ito ang mga naisip ko. Magbenta ka ng pagkain sa traffic! Walang bayad sa pwesto at siguradong kikita ka! Sa sobrang tindi ng traffic eh ang daming inaabot ng gutom sa daan at karamihan sa mga vendor eh tubig, mani at chichirya lang ang binibenta. Magbenta ka ng pagkain, lutuin mo sa harapan nila! Siguradong kikita ka habang traffic. Pwede ka pang mag-franchise dahil may EDSA, SLEX, NLEX at C5! At may Roxas BLDV, Quezon Avenue at Commonwealth pa! Isama mo na rin ang Alabang-Zapote Road! Ang isa pang nakikita kong magandang naidudulot ng traffic eh may mga muntik ng mag-away na magkaibigan, magkamag-anak at mag-asawa na hindi natuloy dahil sa traffic. Anong ibig kong sabihin, alam kong maraming nag-aaway dahil sa traffic pero naisip niyo ba na maraming nagkabati dahil din sa traffic. Kung ikaw eh mainit ang ulo at galit na galit ka sa asawa, kaibigan o kamag-anak mo, siguradong kakalma ka na dahil sa traffic. Yung galit mo unti-unting mawawala kasi nakakapag-isip ka ng mabuti! Dahil sa tagal mo sa traffic, pagdating mo sa bahay, kalmado ka na! Pwede mo rin gawin ang assignment mo sa traffic kung student ka, mga office work mo kung nagtratrabaho ka sa opisina! Kung housewife ka naman, pwede ka na magplantsa sa traffic o kaya maghiwa ng rekado para pagdating mo sa bahay, lulutuin mo na lang! Madaming mga pwedeng gawin sa traffic, mawawala rin yan kaya dapat positive lang! Malay mo dahil sa traffic, makita mo ang forever mo kung single ka pa! Kapag nangyari yun, papanalangin mo na wag ng umandar ang sasakyan at forever ka na sa traffic!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007