BY DANTE LAGANA
MARAMI ang nagulat sa latest ratings result kung saan makikitang natatalo ng “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) ang katapat nilang “Gandang Gabi Vice” (GGV).
Paano kaya nangyari ito eh di hamak na mas sikat nga itong si Vice Ganda sa dalawang host ng “TBATS” na sina Boobay at Tekla?
Pero hindi nga puwedeng magsinungaling ang mga resulta.
Ayon sa Kantar Media, 5.7% lang ang nakuha sa ratings ng “GGV” noong Nov. 17 samantalang 6 percent ang nakuha ng “TBATS.”
Kahit sa AGB Nielsen lamang pa rin ang “TBATS” na nakakuha ng 4.4 percent samantalang ang GGV ay 3%.
Kung ang iba ay tila gulat na gulat, hindi si Norman Balbuena aka Boobay.
May ideya daw siya kung bakit ganito ang nangyari.
Aniya, “Sa tingin ko po, kaya nakakahiligan na po ang aming programa, ay sapagkat ang ating mga Kapuso ay hindi lang basta nanonood kundi kasama po sila sa kasiyahan, meron po silang partisipasyon po… bukod sa studio, aming mga guests, kami po ni Tekla ay nag-iikot at lumalabas upang makapanayam ang ating mga kababayan…”
Siyempre pa, masaya siya sa resulta ng ratings.
“Sobrang grateful po kami sa naging pagtanggap ng ating mga Kapuso sa amin. Malapit na po kami mag-1st anniversary po sa darating na January at malaking utang na loob at pasasalamat din po namin ito sa aming mga boss na nagtiwala…mga minamahal at magagaling naming mga writers at production staff, aming butihing director, kasi hindi rin po namin ito mapapagtagumpayan ni Super Tekla, kundi dahil sa kanila po.”
Pipilitin daw nilang mapagpatuloy ang pamamayagpag.
“Makakaasa po ang ating mga Kapuso na linggo-linggo ay may bago po silang mapapanood…Sobrang pasalamat po namin kay Lord kasi ginagabayan Niya po kami palage.”
Hmmm, anong sey mo, Vice?