ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Galit na galit ang misis ko kasi nag-uwi ang anak ko ng babae sa bahay. Nagalit siya kasi pinatulog niya raw sa guest room ang babae at hinatid niya raw ang anak ko sa kwarto niya. Pagkatapos daw ay natulog na ang misis ko. Nagising daw ulit ang misis ko dahil naihi siya kaya sumilip siya sa guest room. Wala na dun ang babae. Pumunta siya sa kwarto ng anak ko at naka-lock ito. Sampung minuto raw niyang kinakatok bago ito nagbukas ng pinto. Nakita niya raw ang babae na nakaupo sa kama habang ang anak ko ay naglalaro ng PS4. OK lang sana dahil naglalaro ng PS4 pero ang problema, nakapatay ang TV. Galit na galit ang misis ko! Kausapin ko raw ang anak ko binata at pagsabihan! Ano ba ang magandang ipayo ko sa anak kong binata?
Monny ng Cavite City
Hi Monny,
Pagsabihan mo ang anak mo na sa susunod, wag niyang kalimutang buksan ang TV! Talagang mahuhuli siya!
* * *
Hi Alex,
Disyembre na at malapit na ang Pasko pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ramdam na Pasko na. Ang mga kaibigan ko eh naghahanda na ng mga regalo at may mga decoration na pang-Pasko. Pero bakit ako eh hindi ko pa rin ramdam ang Pasko? Ano kaya ang problema ko Tito Alex?
Efren ng Malabon
Hi Efren,
Baka wala kang pera kaya hindi mo ramdam ang Pasko. Hayaan mo, tiwala lang!
* * *
Hi Alex,
Gusto ko sana sa darating na Pasko eh magbakasyon sa isang lugar na hindi masyado matao. ‘Yung walang masyadong pumupunta para tahimik. Balak ko pumunta dun at magcelebrate ng Pasko malayo sa maraming tao. May alam ka bang lugar Tito Alex?
Lauro ng Divisoria
Hi Lauro,
May alam ako pero sandali lang! Bakit gusto mong magbakasyon ng hindi masyado matao sa mismong Pasko? May mga tinataguan ka bang mga inaanak? Ayaw kong makialam kapag ganyan! Dahil gagawin ko rin ‘yan sa Pasko! Bahala kang maghanap ng tataguan mo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007