ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Madalas akong magpa-facial kahit lalake ako kasi gusto ko malinis ang mukha ko. May paborito akong clinic kung saan madalas akong magpa-facial. Isa sa mga nagpa-facial sa akin ay naging girlfriend ko kaya naman madalas eh libre na ang facial dahil siya ang nagpa-facial sa akin. Ang problema eh nag-split na kami. Hindi maganda ang paghihiwalay namin dahil nahuli niya akong may ibang babae. Alam kong galit siya sa akin. Ang tanong ko Tito Alex eh kung ok lang na sa kanya pa rin ako magpa-facial kahit hiwalay na kami?
Donavan ng Paranaque
Hi Donavan,
Kung mahal mo pa ang sarili mo, wag na wag ka ng magpapa-facial sa kanya. Alam mo na ngang nasaktan dahil niloko mo tapos magpapa-facial ka pa sa kanya. Lahat ng sakit na naramdaman niya, ipaparamdam niya sa bawat white head at black heads na titirisin niya. Baka palitan niya ang pang-facial at gamitin niya yung pang-footspa! Malamang scrub niya ang mukha mo! Maghanap ka na ng ibang clinic!
*
Hi Alex,
Matagal na kami ng misis ko pero hanggang ngayon eh wala pa rin kaming anak. Naaawa ako sa misis ko kasi mag-isa lang siya sa bahay. Alam kong gustong-gusto na niya magka-anak dahil sampung taon na namin sinusubukan. Naisip ko tuloy na bilhan siya ng pet na so para matuwa naman at malibang siya. Gusto ko yung teacup at Pomeranian. Yung imported at hindi lumalaki para pwedeng ipagyabang sa mga kaibigan. Ang budget ko ay one thousand pesos lang. May alam ka bang mabibilhan?
Elmo ng Makati
Hi Elmo,
One thousand pesos ang budget mo pero gusto mo imported na Pomeranian na teacup? Hanep ha! Bumili ka na lang ng stuffed toy na aso, may one thousand pesos nun! Siguradong hindi pa lalaki!
*
Hi Alex,
May nagregalo sa akin ng portrait ko pero hindi ko kamukha. Napakalayo ng mukha sa akin pero tinanggap ko kasi nahihiya naman ako. Ang gusto niya ay i-display ko sa bahay namin. Anong gagawin ko?
Girly ng Pasay
Hi Girly,
Tapunan mo ng tubig para kumalat ang pintura, tapos sabihin mo nabasa ng ulan. Display mo pa rin sa bahay niyo tapos sabihin mo, abstract painting!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.